Sa paniniwalang napatay ang most wanted bomber na si Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan,” ipadadala ang isang bahagi ng daliri ni Marwan kasama ang DNA samples sa Amerika para beripikahin ang report ng Philippine National Police (PNP) na kabilang ito sa mga namatay sa bakbakan ng PNP-Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Ayon sa raiding team, kinuha nila ang isang daliri sa kanang kamay ni Marwan at itinago ito bago nangyari ang madugong engkuwentro.
Ipapadala sa US Federal Bureau of Investigation (FBI) ang daliri upang sumailalim sa DNA test.
Sinabi ng sinibak na si PNP-SAF Chief Director Getulio Napenas na kailangan ang DNA test kay Marwan dahil ang itsura ng Malaysian terrorist ay may pagkakaiba kumpara sa mga litrato nito na hawak ng awtoridad.
Dagdag ng opisyal, hindi na marekober ang katawan ng suspek dahil na rin sa matinding sagupaan noong Linggo ng madaling araw.
Ayon sa report, ang katawan na pinaniniwalaang kay Marwan ay posible ring bangkay ng isa sa mga aide nito.
Tatangkaing itugma ang DNA samples mula sa kamag-anak ni Marwan sa daliri ng napatay na terror leader sa pamamagitan ng DNA test upang maberipika ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng bangkay.