Sa unang pagkakataon ay iniimbestigahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang Bureau of Internal (BIR) dahil sa hindi paggastos sa lahat ng P7-bilyon outlay nito noong 2014.
Ang audit ng DBM ay natunton sa Department of Finance, na nakasasaklaw sa BIR bilang isa sa mga attached agency ng kagawaran.
Sinabi ng mga BIR insider na ito ang unang pagkakataon na inimbestigahan ang kawanihan dahil sa hindi paggastos. Anila, ang hindi nagastos na pondo ay maaaring ibalik sa Bureau of Treasury, o ilipat sa controversial disbursement acceleration program (DAP) ng Pangulo.
Anila, ang under spending ay nangangahulugang hindi maayos na napangasiwaan ng mga opisyal ng BIR ang pondo na inilaan para sa kani-kanilang programa.
Gayunman, sinabi ng mga opisyal na ito na hindi nila nagamit ang ilan sa kanilang mga alokasyon dahil hindi pinahintulutan ng Commission on Audit (COA) ang pagpapatupad sa ilan sa kanilang mga proyekto.
Hindi naman tinukoy ng DBM order kung magkano ang natipid ng kawanihan dahil sa under spending.
May pitong opisyal ang nabanggit na may substantial savings, kabilang ang legal, administrative, information system, human resource development, planning and management , assessment at client support services.
Sinabi ng DBM na kakaunti ang ginastos ng BIR sa pagkain para sa mga seminar, sa training, sa tax campaign, sa advertising at sa pag-iimprenta ng tax materials.
Ayon sa datos, gumagastos ang BIR taun-taon ng average na 50 sentimos upang makakolekta ng P100.
Inatasan ang BIR na kumolekta ng P1.4 trilyon noong nakaraang taon. Gayunman, hindi ito naabot ng kawanihan.