Muling yayanigin ng ONE Fighting Championship ang Manila ngayong Abril at pangungunahan ito ng world-class wrestler na si Ben Askren na ididepensa ang kanyang welterweight crown sa unang pagkakataon.
Matapos ang dalawang matagumpay na laban upang umpisahan ang kanyang career sa ONE FC, itataya ni Askren ang kanyang titulo laban sa beteranong si Luis Santos ng Brazil.
Ang kanilang main event match ay nakatakda sa Abril 24 sa “ONE FC: Valor of Champion” sa Mall of Asia Arena.
“We are kicking off 2015 with three spectacular events lined up to start the year,” lahad ni ONE FC CEO Victor Cui, na inaasahang magiging hitik sa aksiyon ang fight card.
“Ben (Askren) is the absolute best in the world and we are excited to see him up against the highly skilled Luis Santos. We are also ecstatic at the chance to be back in Manila on April 24 and in Singapore on 22 May to treat fans to world-class mixed martial arts action,” dagdag ni Cui.
Sa kanyang unang dalawang laban, anim na minuto lamang ang kinailangan ni Askren upang idispatsa sina Bakhtiyar Abbasov at Nobatatsu Suzuki. Ngunit maaring hindi maging kasing dali ang magiging tapatan nina Askren at Santos.
Si Santos, beterano ng 70 laban, ay kilala sa pagkakaroon ng kakaibang lakas, nagtala ng 35 knockouts sa kanyang mga nakaraang pagtapak sa ring. Nagawa rin niyang talunin si Abbasov at isang round lamang ang kanyang kinailangan upang magwagi.
Ngunit sa kabila nito, hindi naman nababahala si Askren, isang dating NCAA Division I All-American wrestler na nakuha ang welterweight crown nang kanyang gapiin ang Japanese na si Suzuki sa pamamagitan ng technical knockout sa kanya lamang ikalawang pagsabak sa ONE FC.
“(The year )2015 is going to be the year of Ben. I will defeat anybody they put in front of me and rule over the welterweight division. I’m the ONE FC Welterweight World Champion, and if any welterweight in the world think they can beat me, they can meet me inside the cage,” paniniguro ng dating undisputed Bellator champion.
Sa kasalukuyan, si Askren ay ikalima sa welterweight division ayon sa Fight! Magazine at ikawalo naman ayon sa mixed martial arts website na Sherdog.