Anim na wika sa Pilipinas ang tuluyan nang naglaho.
Ito ang natuklasan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pananaliksik na Linguistic Atlas, na idinetalye kamakailan sa Kapihang Wika sa University of the Philippines-Diliman sa Quezon City.
Layunin ng pag-aaral na ilagay sa isang mapa at idokumento ang iba’t ibang wika sa bansa upang palawigin ang kaalaman ng mamamayan tungkol sa mga wika sa bansa.
Base sa nakalap na datos, sa 150 wika sa bansa ay 34 pa ang kailangang i-validate dahil pawang sa Mindanao nagmula ang mga ito. Hindi lingid sa kaalaman ng marami ang kaguluhan sa katimugan ng bansa na naging sanhi ng pagkakaantala ng pag-aaral.
Ikinalungkot ng KWF na malamang anim na sa mga wikang ito ang naglaho dahil sa kawalan ng gumagamit nito. Dahil sa globalisasyon, humihina ang ibang wika hanggang tuluyang mawala.
Sinabi ni Dr. Purificacion G. Delima, direktor ng programa at proyekto ng KWF, na importanteng bigyang halaga ang wika dahil ito “ang nagdadala ng iyong kamalayan, tradisyon, at pang-araw-araw na aktibidad.”
“Kung para sa wikang Filipino, mahalaga ito dahil una, matutukoy [kung] ano ‘yung mga wika at wikain sa Pilipinas na makakaambag sa paglago at pagpapayaman ng wikang Filipino.
Ang wikang Pambansa ngayon ay dapat, ayon sa mandato ng konstitusyon, lalago, mapapayaman mula sa lahat ng wika sa Pilipinas. Kaya una, ma-identify sila at makita yung kanilang mga katangian,” pahayag ni De Lima.
Napag-alamanan din sa pag-aaral na halos lahat ng komunidad sa bansa ay gumagamit ng hindi lang iisa o dalawang wika, dahil sa epekto ng multilinggwalismo.
Ibinunyag din ng KWF na galing sa opisina ni Senator Loren Legarda ang P2 milyon pondo ng KWF para sa nasabing proyekto.
“Mandato namin na maipalaganap ang Filipino lalo na sa mga lugar na hindi siya popular at hindi siya ginagamit. So ang ginagawa namin, tini-train namin‘ yung mga teacher dun sa mga bago naming patakaran. Halimbawa, ‘yung ortograpiyang pambansa, mukhang ‘yung mga guro ng Filipino doon sa lugar na ‘yun, eh, luma pang ortograpiya ang itinuturo. So, kasama ‘yun sa pag-a-update ng karunungan sa Filipino,” paliwanag ni Delima.