Hinihintay pa ng Manila Electric Company (Meralco) ang komputasyon, lalo sa generation charge, ng power producers bilang batayan sa paggalawa sa singil ng kuryente sa buwan ng Pebrero.

“We are awaiting the billings (from power producers)... including of the natural gas-fired generators which would be partly based on average oil prices from July to December 2014,” pahayag ni Mr. Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, sa isang text message.

Aniya, matamang binabantayan din nila ang presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) para pagbatayan din kung magkano ang halagang dapat itaas sa singil sa kuryente sa Pebrero. Binigyan-diin ni Zaldarriaga na siguradong gagalaw ang generation charge at maapektuhan ang presyo ng kuryente sa spot market dahil sa nakatakdang maintenance shutdown ng mga planta.

Binanggit nito, batay sa ulat, bukod sa 1,000 megawatts na matatapyas sa supply bunsod ng nakaiskedyul na pansamantalang pagsasara ng mga planta, mayroon pang 1,400 megawatts na mawawala sa grid dahil sa forced at unscheduled maintenance ng mga planta.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Naunang inihayag ni Energy Secretary Jericho Petilla na inaasahan ang pagtaas sa singil ng kuryente sa Pebrero dahil mapipilitan ang mga planta na pansamantalang magsara nang mas maaga para maiwasan ang sobrang kakulangan ng supply sa summer months kung saan mataas ang demand.