Inilipat ng mga namamahala sa Ronda Pilipinas 2015, na iprinisinta ng LBC, sa Visayas ang dapa’t sana’y nakatakdang dalawang yugto ng Mindanao qualifying leg upang masiguro ang seguridad ng mga siklista.

“We’re sorry to announce that we’re foregoing the Mindanao qualifiers for fear of the safety of the whole Ronda delegation including our cyclists,” sinabi ni Ronda Pilipinas Executive Project Director Moe Chulani, na nagsabing nakikisimpatiya rin sila sa mga pamilya ng 44 PNP-SAF na nasawi sa engkuwentro kamakailan.

Orihinal na itinakda ang pagsasagawa ng yugto sa Mindanao na una sa tatlong qualifying leg sa Pebrero 8 kung saan ay babagtas ang mga siklista sa Butuan City patungong Cagayan de Oro at Tubod, Lanao del Norte patungong Dipolog sa sumunod na araw.

Bunga nito, ililipat ng Ronda organizers ang dalawang yugto sa Visayas na posibleng ganapin sa Negros Oriental at Negros Occidental.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“But we remain firm with our goal of finding talents in the provinces so we will bring the Mindanao riders to the Visayas where we will add a qualifying leg that will replace the Mindanao stages,” pahayag ni Chulani.

Ang karera sa taon na ito ay suportado ng major sponsor na MVP Sports Foundation na kinukonsidera na siyang pinakamalaki at pinakamayamang karera sa Asya, bukod pa sa mabibigyan ng pagkakataon ang mga lokal na siklista na magwagi ng malaking premyo at pambihirang pagkakataon na mapasama sa national team.

Matapos ang apat na edisyon, sina national team members Mark John Lexer Galedo, Ronald Oranza, Rustom Lim at George Oconer ang ilan lamang sa mga naging produkto ng Ronda. Ang Ronda ang may pinakamarami at pinakamatagal na karera sa Pilipinas at Asya kung saan ay may basbas ito ng PhilCycling.

Muling inihayag ni Chulani na tuloy ang padyakan dahil na rin sa kanilang plano sa Visayas at Luzon qualifying legs ay isasagawa sa Pebrero 11 at 12 sa Dumaguete, Sipalay at Bacolod at Pebrero 15 at 16 sa Antipolo City at Tarlac City.

Kabuuang 90 riders ang kukunin sa tatlong qualifying race na makakatuntong sa championship round na isasagawa sa Luzon upang makasama nina 2014 Ronda Pilipinas champion Reimon Lapaza ng Butuan City, Galedo, Oranza-led Asian Cycling Championship-bound national team at ang nine-man composite European team na binubuo ng Danish cyclists para pag-agawan ang kabuuang premyo na P1 milyon.

Inaasahang magiging matindi ang bakbakan matapos alisin ang Team Championships sa karera na suportado din ng Maynilad, NLEX, Standard Insurance, Petron, Greenfield City, at Radio1 Solutions at kinikilala ng PhilCycling na nasa pamumuno ni Cavite Congressman Abraham “Bambol” Tolentino.  

Ang championship round ay magsisimula sa Calamba, Laguna sa Pebrero 21 na susundan ng Calamba-Lucena Stage Two, Lucena-Antipolo Stage Three, Bulacan-Tarlac Stage Four, Tarlac-Dagupan Stage Five, Dagupan-Baguio Stage Six, Sto. Tomas Hill Stage Seven Individual Time Trial at ang pinakahuling Baguio Stage Eight criterium.

Ipinaalam ni Chulani na ang karera ngayong taon ay tatahak sa kabuuang 2,015 kilometrong patag at akyating ruta.  

Maari pa rin magpalista ang mga interesado sa pagkuha ng registration form online sa Ronda Pilipinas’ official Facebook page, https://www.facebook.com/RondaPilipinas, at Twitter account, @rondapilipinas. Maari ring magparehistro ang mga kalahok isang araw o dalawang oras bago angQualifying Race Day kung saan ang entry fee ay nagkakahalaga ng P1,000 kada Stage.