Sa gitna ng kontrobersiya sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police (PNP) Special Action Force (SAF) sa pananambang ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), tuloy pa rin ang pagpupulong ng mga kinatawan ng gobyerno ang MILF sa Kuala Lumpur, Malaysia ngayong Biyernes upang lagdaan ang protocol sa pagdidisarma ng rebeldeng grupo.
Sinabi ni government chief negotiator Miriam Coronel-Ferrer na tatalakayin din ng dalawang grupo ang planong paglilipat ng unang batch ng armas sa International Decommissioning Body (IDB) na siyang mangangasiwa sa pagsusuko ng mga baril at pagbibigay tulong sa kanilang pagbabagong buhay bilang mga ordinaryong sibilyan.
Itinalaga ang IDB na magbigay seguridad sa mga isinukong armas na ilalagay sa isang weapon storage area.
Ang IDB ay binubuo ng isang personalidad mula Turkey, iba pang eksperto sa baril at bomba mula Norway at Brunei.
“Ang signatories dito sa protocol implementing guidelines (ay) yung panel chairs, ang chair ng IDB at tsaka yung facilitator ng Malaysia,” ayon kay Ferrer.
Ang seven-member IDB ay pamumunuan ni Ambassador Haydar Berk, na dating nagsilbi bilang Turkish representative sa North Atlantic Council.