Sa palpak na pasilidad ng Kalibo International Airport ibinunton ang sisi sa pagkakapuslit ng isang babae na may kakulangan sa pagiisip nang makasakay ito ng isang eroplano at makarating sa Incheon International Airport sa South Korea na walang passport , plane ticket at pera.
Ito ang naging paliwanag ni Bureau of Immigration (BI) Spokesperson Dana Mengote base sa report na isinumite ni Aklan Immigration Supervisor Maria Asuncion Palma-Gil noong Enero, matapos malusutan ang mga immigration, airport security at airline staff ni Leah Castro Regino, 35, at nakarating sa South Korea na walang kaukulang dokumento.
Isang residente ng Patnongon, Antique, nakasakay si Reginio ng Philippine Air Lines flight PR490 sa Kalibo airport dakong 5:34 ng hapon noong Enero 22 patungong South Korea.
Sinabi ni Mengote na tanging mga makeshift standee sa pagitan ng mga immigration at airline counter, at boarding gate kaya madali para sa mga istokwa ang makalusot sa terminal.
Ilang beses nang tinalakay, aniya, ang isyu ng kanilang tanggapan sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) subalit wala pa ring hakbang na ipinatupad ang ahensiya.
“We’ve been trying to coordinate this with all the concerned agencies, including Aklan Gov. Joeben Miraflores, but no action has yet been taken,” pahayag ni Mengote sa panayam.
“We have been requesting for the transfer of immigration counters to the new international terminal building where there would be clear separation of in and out passengers,” dagdag niya.
Samantala, maglalabas din ang CAAP ng resulta ng sarili nitong imbestigasyon sa insidente.