MEMPHIS, Tenn. (AP)– Nagtala si Zach Randolph ng 15 puntos at 17 rebounds, habang nagdagdag si Jeff Green ng 13 puntos upang itayo ng Memphis Grizzlies ang maagang kalamangan patungo sa 99-69 panalo laban sa Denver Nuggets kahapon.

Nasungkit ng Memphis ang kanilang ikalimang sunod na panalo, nalimitahan ang Nuggets sa 11 puntos sa first quarter at hindi natinag sa kabuuan ng laban sa paglista ni Randolph ng kanyang ika-10 sunod na double-double.

Sina Courtney Lee, Nicky Calathes at Beno Udrih, nagumpisa sa lugar ng injured na si Mike Conley, ay umiskor ng tig-11, habang 10 ang kay Marc Gasol.

Kapwa gumawa sina Wilson Chandler at Kenneth Faried ng 10 puntos para sa Denver, na natalo sa ikawalong pagkatataon sa kanilang huling siyam na laro.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Komportableng nasa unahan sa pagtatapos ng ikatlong yugto, kapwa sumandal sa kanilang reserves ang dalawang koponan upang isara ang fourth period.

Nakalamang ang Memphis sa rebounds kontra sa Denver, 57-47, at nahawakan ang 46-42 bentahe mula sa paint. Nagkasya lamang ang Nuggets sa 33 porsiyento sa shooting at 2-of-26 mula sa labas ng arko, o kulang sa 8%. Bahagya namang mas maganda ang naitala ng Memphis sa kanilang 3-for-16 sa 3-point range.

Matapos lumamang ng 19 puntos, nakuha ng Memphis ang 50-35 abante sa break sa likod ng 11 puntos ni Randolph. Sa 35 puntos ng Denver, 24 ay nagmula sa paint. Isang maikling rally ng Nuggets sa umpisa ng ikatlong yugto ay halos balewala at ipinagpatuloy ng Memphis ang kanilang pag-atake sa likod ni Randolph na nakuha ang kontrol sa boards.

Ipinagpatuloy ng Memphis ang kanilang dominasyon hanggang sa stretch, itinala ang 27 puntos na bentahe bago naitala ng Grizzlies ang 74-49 abante papasok sa final period.