TOTOO ngang sawimpalad na habang sinusuong ng bansa ang isang mahalagang yugto sa peace process sa Mindanao – ang mga pagdinig sa Kongreso hinggil sa Bangsamoro Basic Law (BBL) – tumanggap ito ng isang malupit na dagok sa pagpaslang sa mahigit 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police na tumutugis sa isang Malaysian bomb expert sa Maguindanao.

Maraming katanungan ang inilutang tungkol sa insidente, lahat naghahangad ng mga kasagutan na maaaring hindi maibibigay sa loob ng maraming buwan habang inoorganisa ng mga opisyal ang lahat ng uri ng imbestigasyon. Samantala, inihinto ang lahat ng pagdinig sa panukalang BBL sa Senado at sa Kamara de Representantes.

Ang unang kailangang gawin ay ang alamin kung ano talaga ang nangyari. Sinabi na ipinadala ang 392 miyembro ng PNP force upang tugisin ang wanted na Malaysian na suspek sa terorismo at ang kanyang kakutsabang Pinoy sa liblib na teritoryo ng MILF nang walang abiso sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na matagal nang kumikilos sa lugar. May sinabing $5 milyong pabuya na inalok ng mga Amerikano para sa Malaysian.

Sinabi ng MILF na walang koordinasyon sa PNP sa MILF mismo, bilang paglabag sa kasunduan nito sa gobyerno. Ngunit kung totoo man ito, ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano, sapat ba na dahilan iyon upang imasaker ang 44 na pulis? Isa si Cayetano sa 13 miyembro ng Senate na co-author ng hakbanging BBL sa Senado. Iniurong ngayon niya ang kanyang co-authorship.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ang PNP mismo, sa utos ni Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, ay bumuo ng isang Board of Inquiry upang suriin ang insidente. Titingnan nito kung sino ang nag-utos ng operasyon na lumilitaw na sumuway sa isang kasunduan ng gobyerno sa MILF. Kailangang tingnan din nito ang kakapusan ng paghahanda ng naturang mga pulis, na ang karamihan ay kararating lang mula Metro Manila, na nakipagsapalaran sa isang hindi kilalang teritoryo.

Maraming isyu ang kailangang maresolba – ang waring kawalan ng kontrol ng MILF sa kanilang hanay na sinisisi sa pagpaslang, ang responsibilidad ng pag-uutos ng operasyon sa umpisa pa lang, pati na ang pabuyang $5 milyon. Malalaman ba ng Board of Inquiry ang lahat ng ito o may ilang katotohanang masyadong sensitibo ang hindi nila ilalagay sa liwanag?

Kahit magsagawa pa ang Kongreso ng mga pagdinig hinggil sa BBL, dapat pinakilos ang mga kaugnay na hakbangin, pati na ang hakbang na alisin sa tungkulin ang armadong units ng MILF. Maaaring napigilan ng SAF massacre ang lahat ng hakbanging ito, habang nagpapatuloy ang ang imbestigasyon. Makaaasa lamang tayo na ang mga taong may mabubuting kalooban ang mananaig at ang Mindanao peace process, na malaon nang sumusulong, ay mamaari nang magpatuloy kalaunan.