Mga laro ngayon: (Cuneta Astrodome)
4:15 p.m. Meralco vs. Kia
7 p.m. Globalport vs. Purefoods Star
Mapaigting ang pamumuno ang tatargetin ng Meralco at Globalport sa magkahiwalay na laro sa pagpapatuloy ngayon ng 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Kapwa nagwagi sa kanilanag unang laban ang Bolts at ang Batang Pier sa opening day sa MOA Arena noong nakaraang Martes. Ang una ay laban sa Barangay Ginebra Kings, 85-74, at ang huli ay kontra sa Kia Sorento, 100-84.
Unang sasalang ang Bolts laban sa Kia sa ganap na alas-4:15 ng hapon bago sumabak ang Batang Pier kontra sa Purefoods Star Hotshot sa alas-7:00 ng gabi.
Muli, sasandalan ng tropa ni coach Jong Uichico ang kanilang masipag na import na si Joshua Davis na nagposte ng 25 puntos sa kanyang unang laro sa Pilipinas, gayundin ang Gilas standout na si Gary David na nagtala naman ng 21 puntos.
Para naman sa katunggaling Kia, wala pang balita kung nakabalik na ang kanilang playing coach na si Manny Pacquiao na nagbuhat sa pagiging hurado sa nakaraang Miss Universe pageant sa Florida, USA, gayunman, tiyak na muli silang huhugot ng inspirasyon kay Pacman upang makabawi sa nakaraan nilang kabiguan sa kamay ng Batang Pier.
Kinakailangan ng suporta ng higanteng import ng Kia na si PJ Ramos sa locals upang magkaroon sila ng tsansa na makamit ang tagumpay.
Ito ang malinaw na kulang sa kanilang unang laban, kung saan halos mag-isang binalikat ni Ramos ang laban matapos itala ang kalahati ng kanilang kabuuang iskor sa kabuuang output nito na 41 puntos.
Sa tampok na laban, inaasahan naman ni coach Eric Gonzales na magiging mabigat ang kanilang laban kontra sa Hotshots na maaga pa lamang ay nangakong babawi sa kanilang naging kabiguan na makausad sa semifinals sa nakaraang Philippine Cup kasunod sa pagkamit nila ng grandslam championship.
Katunayan, upang matulungan sila sa hangad na muling makabalik ng finals ngayong second conference, ibinalik ng Hotshots ang dati nilang import na si Macqus Blakely upang pamunuan ang kanilang kampanya, katuwang ang mga beteranong sina Marc Pingris, James Yap at PJ Simon.
Para sa Batang Pier, upang makasabay sa kanilang mga katunggali, sinabi ni Gonzales na kailangang mag-doble effort at magsipag ang kanilang backcourt na gaya ng ginawa nina Stanley Pringle at Terrence Romeo na sumuporta sa kanilang import na si CJ Leslie sa nakaraan nilang laro.
``Hindi kami malalaki, kaya dapat mag-work hard talaga ang backcourt namin para makasabay kami sa ibang team,`` ani Gonazles na kailangan din nilang ipagpatuloy ang kanilang pressure defense o kung maaari ay mahigitan pa kada laro.