BAGUIO CITY -- Sa kabila ng paghihinagpis ng mga Cordilleran sa pagkamatay ng 13 miyembro ng PNP Special Action Forces sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, labis namang ipinagmamalaki ng Police Regional Office-Cordillera (PRO-COR) ang kabayanihan na ipinamalas ng mga ito para sa bansa.

Nabatid na 13 sa 44 na miyembro ng SAF na napatay sa bakbakan ay anak ng Cordillera, dalawa rito ay opisyal mula sa PNPA Class 2009 na sina Senior Inspector Gednat Tabdi, ng La Trinidad, Benguet; at Senior Inspector Cyrus Anniban, ng Tabuk City, Kalinga, miyembro ng PNPA Class 2010.

Ang iba pang napatay na taga Benguet ay sina PO2 Peterson Carap, ng Kabayan; PO2 Jerry Cayob ng La Trinidad; PO1 Angel Kodiamat, ng Mankayan; at PO2 Noble Kiangan,ng Mankayan.

taga Baguio City naman sina PO2 Walner Danao, ng Barangay Irisan; PO3 Noel Golocan, ng Barangay South Sanitary Camp; PO1 Russel Bilog, Barangay Poliwes; at PO2 Nicky Nasino, ng Barangay Camp 7.

National

65% ng mga Pinoy, umaasang magiging masaya ang Pasko

Nagmula sa Ifugao sina PO2 Franklin Danao, ng Tinoc; at PO3 Robert Allaga, ng Banaue at mula sa Mountain Province si PO1 Gringo Cayang-o, ng Sadanga.

Ayon kay Chief Superintendent Isagani Nerez, bukod sa parangal na igagawad sa Camp Crame ay inihahanda rin ng PROCOR ang pagkilala sa kabayanihan ng mga pulis-Cordilleran at anumang tulong ay kanilang igagawad para maihatid nang maayos ang mga labi ng biktima sa kani-kanilang lugar.

“Ang PROCOR ay nakikidalamhati at nakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi. Saludo kami sa kanilang katapatan at katapangan sa serbisyo na ipinagmamalaki ng Cordillera,” wika pa ni Nerez.

Labis din ang kalungkutan ni Benguet Governor Nestor Fongwan sa pagkamatay ng lima niyang kababayan at humihiling din na mabigyan ng hustisya ang lahat ng namatay na elite forces ng SAF.