TALAGA palang may banta sa buhay ni Pope Francis nang siya’y bumisita sa Pilipinas noong Enero 15-19. Ang nasa likod ng gayong pagbabanta ay ang teroristang grupo na Jemaah Islamiyah. Ito rin ang grupong responsable sa madugong pambobomba sa Bali, Indonesia noong 2002. Gayunman, hindi natigatig ang Papa sa kanyang makasaysayang pagbisita sa bansa. Ayon sa mga ulat, isasagawa ang pagpatay kay Pope Francis sa kanyang pagtungo sa Tacloban City at sa Maynila. Ang magsasagawa diumano ng assasssination sa ay ang grupo ni Zulfifli bin Hir, alyas Marwan, na maghahagis ng bomba sa TM Kalaw St., Manila.

Nabigo ang balak na ito dahil sa dami ng sumalubong kay Pope Francis bukod pa sa mahigpit na seguridad ng gobyerno. Si Marwan ay isang bomb expert na most wanted terrorist ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) na may $5-million bounty sa kanyang ulo. Batay sa ulat, may ganito ring plano na paslangin si Pope Francis nang siya’y magmisa sa Tacloban City at sa Palo, Leyte.

Noong Lunes, bumulaga sa mga Pinoy ang malaking balita na 27 pulis na kabilang sa ipinagmamalaking PNP Special Action Force (SAF) ang napatay sa pakikipagbakbakan sa tulisang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa hangganan ng Mamasapano at Datu Salibo town sa Maguindanao. Walo pang kasapi ng SAF ang diumano ay nadakip ng mga tulisan. Limang miyembro ng BIFF ang napatay rin. Kinuha ng mga tulisan ang mga armas ng napatay na pulis. Habang sinusulat ko ito, nangangamba ang mga awtoridad na baka dumami pa ang napatay sa SAF dahil sila ay walang labang tinambangan ng BIFF bukod pa sa ulat na sila ay naubusan daw ng mga bala.

Bakit kaya hindi maresolba ng gobyernong Pilipino ang kaguluhan sa Mindanao? Noong panahon ni ex-President Joseph Estrada, nagpairal siya ng all-out war laban sa mga rebeldeng Muslim, at ito’y nagbunga ng pagkakubkob ng maraming kampo ng MILF, kabilang ang pinakamalaking kampo nito, ang Camp Abubakar. Talagang lupaypay na ang kilusan ng mga rebelde noon sa Mindano. Pero muling lumakas ito sa panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Nakapagtatakang maging ang New People’s Army na madalas sabihin ng AFP at PNP na mahina na at kakaunti na lang ang mga kasapi ay nagagawa pang sumalakay, manambang, magpasabog at pumatay ng mga sibilyan at kasapi ng military at pulisya!

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez