Kumpiyansa ang Commission on Elections (Comelec) na hindi magkakaaberya ang 2016 presidential elections.
Tiniyak din ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na kahit magreretiro na siya sa Pebrero at wala na siya sa Comelec ay tutulong pa rin siya sa poll body kung kinakailangan para lamang matiyak na magiging maayos ang eleksyon.
Muli ring iginiit ni Brillantes na hindi midnight deal ang pagbibigay nila sa refurbishment contract sa Smartmatic at nilinaw na hindi buong refurbishment contract ang iginawad nila sa naturang kumpanya kundi ang first phase lamang nito para sa diagnostic examination, repair, at maintenance ng precinct count optical scan (PCOS) machines.
Ayon kay Brillantes, hindi pa aktwal na nagkakapirmahan ng kontrata at hindi pa rin nagkakabayaran dahil hanggang ngayon ay hindi pa sila nagkakasundo ng presyo.
Gayunman, sa oras na mapagkasunduan ang presyo ay handa umano si Brillantes na pirmahan ang kontrata kahit sa huling araw pa ng kanyang panunungkulan.
Si Brillantes ay nakatakda nang magretiro sa Pebrero 2.
Nakatakda na ring magretiro sina Comelec Commissioner Lucenito Tagle at Elias Yusoph sa susunod na buwan.