INILABAS na ang obesity rate, na lalo pang tumaas.
Ibinahagi ng Gallup-Healthways ang kanilang datos sa obesity sa United States, na noong 2014 ay umabot sa 27.7 percent, ang bilang ng obese sa mga adult — na tumaas mula 25.5 percent noong 2008.
Ito ang pinakamataas na bilang ng obesity sa loob ng pitong taon na naitala ng Gallup-Healthways. Ang nasabing ulat ay base sa datos mula sa mga panayam (telephone interviews) na isinagawa noong Enero 2 hanggang Disyembre 30, 2014, kabilang ang 167,029 adults sa buong bahagi ng U.S.
Natutukoy ang obesity sa pamamagitan ng body mass index (BMI) na may bilang na 30 o higit pa. Ang BMI na 25 hanggang 29.9 ay itinuturing na overweight, ang 18.5 hanggang 24.9 ay normal weight, at ang 18.4 o pababa naman ay underweight.
Bagamat hindi nagbago ang bilang ng normal weight sa Amerika simula 2013, mas dumami ang bilang ng obese mula sa pagiging overweight base sa kanilang BMI.
Base sa isinagawang pag-aaral, ang mga may edad 65 pataas ay nakaranas ng pinakamalaking dagdag ng obesity (tumaas ng 4 na porsiyento mula 2008 hanggang 2014) na sinundan ng 45 hanggang 64 taon (tumaas ng 3.5 porsiyento). Ang ibang grupo naman ay nakaranas ng malaking dagdag simula pa noong 2008 kabilang na ang Midwesterners (tumaas ng 2.9 porsiyento) at sa mga babae (tumaas ng 2.8 porsiyento).
Gayunman, sa mga may edad 18 hanggang 29, nakitang tumaas ng 0.3 porsiyento sa obesity simula 2008 hanggang 2014 (mula 17.4 porsiyento naging 17.7 porsiyento). At kahit na ang mga black people ang may pinakamataas na bilang ng obesity na may 35.5 porsiyento, tumaas lamang ang bilang nito ng 0.5 porsiyento simula 2008 hanggang 2014 (mula 35 porsiyento na naging 35.5 porsiyento).