Matapos kastiguhin ang volleyball, sunod na panghihi-masukan naman ng Philippine Olympic Committee (POC) ang asosasyon ng bowling upang sa gayon ay maputol na ang kahihiyang nalalasap ng bansa sa sinasalihang internasyonal na torneo.

 Naalarma si POC president Jose Cojuangco Jr. sa sitwasyon ng Philippine Bowling Congress (PBC) kung saan sunud-sunod nang kumukulapso ang kampanya ng bansa na madalas na umuuwing walang bitbit na medalya.

Huling umuwing bokya sa medalya ang bowlers sa ginanap na Incheon Asian Games noong nakaraang taon at sa katatapos na Asian Tenpin Bowling Championships sa Bangkok, Thailand noong Enero 15 hanggang 26.

“Nakakahiya ang ating bowlers,” naiiritang sinabi ni Cojuangco. “Nangangamote sa mga kompetisyon. Kailangang baguhin natin ang bowling lalo na sa preparations.”  

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nakatakdang kausapin ni Cojuangco ang mga opisyal ng PBC upang rebisahin ang kanilang programa at ayusin ang direksiyon ng sport na dating madalas nagbibigay ng karangalan sa bansa.

Kinikilala ang Pilipinas sa bowling sa pagkakaroon ng isa sa pinakamahusay na bowler sa mundo na si Paeng Nepomuceno na natatanging six-time world bowling champion at natatanging manlalaro na humablot ng apat na World Cup title, maliban pa sa pagkakatala sa Guiness Book of World Records. 

Ipinaalam ni Cojuangco na walang kahinaan ang mga national bowler bagamat naobserbahan nito na walang kusa at hindi nakagagawa ng paraan kapag hindi gamay ang sinalihang torneo.

“Dapat silang ibalik sa basics,” sabi ni Cojuangco. “Nakakaiskor kapag gamay nila ang lanes pero kapag hindi ay hirap na dahil nawawala na ang kanilang fundamentals.”

Dating kasama ang Bowling sa piniling 10 priority sports subalit dahil sa masaklap na kampanya ay nagdesisyon ang Philippine Sports Commission (PSC) na alisin ito sa listahan na binibigyan ng malaking tulong pinansiyal.