DAVAO CITY – Ilang araw makaraan ang madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao nitong Linggo na ikinasawi ng 44 na operatiba ng elite Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP), nagpahayag kahapon ng pakikiramay si Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chairman Al Haj Murad Ebrahim sa mga pamilya ng mga namatay sa sagupaan, at sinabing bumuo na ang grupo ng komisyon na mag-iimbestiga sa insidente.

“Our concern is the truth,” saad sa pahayag ni Murad.

Tinukoy din niya ang “a lot of speculations as to what happened and until what happened is established with credibility and integrity, the said incident will weigh down our current efforts to bring peace to our homeland.”

Sinabi ni Murad na nagtatag ang MILF ng Special Investigative Commission (SIC) na binubuo ng mga miyembro ng Central Committee at Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) General Staff upang imbestigahan ang insidente sa Mamasapano.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“The mandate of the SIC is to gather as much reliable information and interview witnesses to establish the truth,” ani Murad.

Inatasan din ang SIC na agad na ihayag ang resulta ng imbestigasyon nito.

Kasabay nito, tiniyak din ni Murad sa publiko ang patuloy na commitment ng MILF sa prosesong pangkapayapaan sa gobyerno.

Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon sa nangyari ang PNP.