DALAWAMPU’T tatlong obispo at dalawang iba pang opisyal ng Simbahan ang lumagda sa isang manifesto sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Plenary Assembly noong Enero 21 na nananawagan sa Commission on Elections (Comelec) na ihinto ang paggawad ng P300 milyong halaga ng kontrata para sa pagsusuri ng may 82,000 PCOS machine, bilang paghahandang gamitin ito sa eleksiyon sa 2016.
Ngunit masyadong malaki ang P300 milyon para lamang suriin ang 82,000 PCOS machine, anila. Ngunit ang mas malaking dahilan ng determinasyon ng mga obispo ay ang ihinto ang paggamit ng PCOS machines sa 2016 elections. Ang naturang kontrata ay una lamang sa serye ng mga kontrata na, sa pakiramdam ng ilang sektor – hindi lamang ng mga obispo – nais igawad ng Comelec sa Smartmatic.
Ang susunod na bidding ay para sa tinatawag na Optical Mark Reader (OMR) machines – na gagamit ng isang automation technology na iba sa PCOS. Bilang karagdagan sa 82,000 PCOS machine na itinatago ng Comelec, balak nitong umarkila ng 23,000 OMR machine para sa 2016, upang matugunan ang pangangailangan ng lumolobong populasyon ng mga botante.
Para sa kontratang ito, ang budget ay P2.5 bilyon. Isang bagong kumpanya – ang Indra Sistemas SA – ang naghahangad na sumali sa bidding, ngunit naghain ng protesta ang Smartmatic sa Comelec na naglalayong idiskuwalipika ang Indra dahil sa kabiguan nitong tugunan ang requirements. Kung magtatagumpay ang hakbang na ito, ang Smartmatic ang magiging nag-iisang supplier ng automation machines para sa 2016.
Sa kanilang liham sa Comelec, sinabi ng mga obispo na nabagabag sila sa maraming kontrata na iginagawad sa Smartmatic mula pa noong 2010 na umaabot na ngayon sa bilyun-bilyong piso “despite undisputed findings by citizens election watchdogs, IT experts, and other concerned groups, with regard to non-compliance by both Comelec and Smartmatic of election and procuremement laws that compromised the transparency, security, accuracy, and trustworthiness of the automated election system.”
Pinagninilayan ng mga obispo ang pananaw ng maraming sektor sa bansa – na kapos sa transparency ang automated elections, dahil hinahayaan na lang magbilang ang mga machine na maaaring panghimasukan ng ekspertong mga hacker. May nakapagsabi nga na ang lahat ng mga opisyal ngayon ay de facto lang at hindi de jure, hindi ayon sa batas, sapagkat nahalal sila gamit ang machines nang walang proteksiyong mandato ng batas.
Kung hindi papansinin ng Comelec ang apela ng mga obispo, gagatungan lamang nito ang hinala at diskontento sa automated elections. Hindi natin dapat hayaang lumago ang diskontentong ito, lalo na kung sa darating na eleksiyon ay hahalal na tayo ng susunod na pangulo ng bansa.