Pinagpapaliwanag ng isang kongresista ang mga miyembro ng gabinete na gumamit ng “luxury” plane sa pagdalo sa misa ni Pope Francis sa Tacloban City, Leyte nitong Enero 17, kung sino ang gumastos sa biyahe ng mga ito.
Hinikayat ni Kabataan Party-list Rep. Terry Ridon ang House Committee on Good Government and Public Accountability na magsagawa ng imbestigasyon sa “use of public funds” ng mga miyembro ng gabinete at mga empleyado ng mga ito na bumiyahe sakay ng isang Bombardier GL50 patungo sa Tacloban City noong papal visit.
Naghain si Ridon ng House Resolution No. 1848 para igiit ang imbestigasyon, at sinabing dapat na dumalo sa mga pagdinig ang mga miyembro ng gabinete na nasa naturang biyahe.
Kabilang sa mga pasahero ng pribadong charter plane sina Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. at Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio Coloma Jr., Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson, Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya, Office of the President Undersecretaries Emmanuel Bautista at Felizardo Serapio Jr., kasama ang walo pang empleyado ng mga ito at tatlong crew member.
Ang Bombardier GL50 ay isang executive private charter plane na napaulat na pagmamay-ari ng isang food and beverage firm.
Naging laman ng mga balita ang nasabing eroplano nang sumadsad ito sa runway ng Daniel Z. Romualdez Airport habang pabalik sa Metro Manila, sa kasagsagan ng bagyong ‘Amang’.
Sinabi ni Ridon na ilang araw na naapektuhan ng insidente ang operasyon sa nasabing paliparan ng Tacloban.