PIKIT, Cotabato – Patay ang isang dating miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) at kanyang kasamahan matapos sumabog ang dala-dalang bomba sa harapan ng isang convenience store dakong 6:30 noong Martes ng gabi sa poblacion ng bayan na ito.

Kinilala ni Supt. Jordine Maribojo, commander ng Task Force Pikit, ang mga namatay na sina Asrap Mohammad, 28, at Jhomar Palaguyan, alyas “Gapor,” kapwa residente ng Barangay Balatikan, Pikit, na kilalang dating base ng MNLF.

Sugatan naman sa insidente si Fraulein Hera, 37, ng Barangay Calawag, Pikit.

Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), si Gapor ay isang dating miyembro ng MNLF na may kaugnayan ngayon sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Namataan ng nagpapatrulyang pulisya si Mohammad at Gapor na magkaangkas ng isang motorsiklo at may bitbit na bag sa national highway sa Poblacion.

Nang matunugan ng dalawa na sila ay sinusundan ng mga pulis, lumiko sila sa isang kalye patungo sa Barangay Ladtingan kung saan madalas tumatakas ang mga kriminal.

Subalit habang humaharurot ang motorsiklo ng dalawa ay may biglang malakas na pagsabog ang naganap. Kasunod nito ay natagpuan ang dalawa na nakahandusay sa kalsada habang nagkagutay-gutay ang katawan dahil sa pagsabog.