Sinentensiyahan ng Sandiganbayan ng 20 taong pagkakakulong ang isang dating assistant provincial agriculturist ng Sarangani dahil sa paglulustay ng P74,990 sa pondo ng pamahalaang panglalawigan, ayon sa Office of the Ombudsman.
Sa 23-pahinang desisyon, sinabi ng Ombudsman na napatunayan ng anti-graft court na nagkasala si Patricio Sol ng malversation through falsification of public documents.
Bukod sa pagkakakulong, inatasan din ng Sandiganbayan si Sol na ibalik ang ibinulsa niyang pera mula sa kaban ng pamahalaang panglalawigan.
Noong 2003 ay hiniling ng Ombudsman sa Commission on Audit (CoA) na magsagawa ng imbestigasyon sa umano’y mga anomalya sa Sarangani na may kaugnayan sa pagpapalabas ng ayudang pinansiyal sa iba’t ibang non-government organization (NGO).
Lumitaw sa imbestigasyon na ang pondo ay ginamit sa mga pekeng proyekto.
Napatunayan din ng Sandiganbayan na pineke ni Sol ang mga voucher at iba pang dokumento upang ipalabas na ang pondo ay naiparating sa Datal Lanao Tribal Cooperative.
Bukod dito, napagtibay din ng CoA audit team na walang certificate of accreditation ang Datal Lanao mula sa Cooperative Development Authority at hindi rin nakapagsumite ang pekeng NGO ng financial statement sa nakalipas na tatlong taon.