Ayon sa Wikipedia, ang dubbing ay bahagi ng isang post-production process na ginagamit sa pelikula at video kung saan ang karagdagang recording ay hinahalo sa orihinal na production sound upang lumikha ng malinis at malinaw na soundtrack.
Minsan akong nakapanood sa TV ng dubbing ng isang Japanese cartoon. Gamit ang isang handa nang teksto sa Tagalog, ang mga magda-dub o ang lilikha ng mga boses ay nasa harap ng isang console na may TV kung saan sasabayan nila ang pagbuka ng bibig ng mga karakter. Nakaaaliw pagmasdan ang prosesong ito sapagkat lutang ang galing ng mga dubber. Maaari nating isipin na ang dubber ay yaong nagsasalita lang ngunit hindi naman ginagawa ang kanyang sinasabi.
Ang dubber ay nagpapaalala sa akin ng isang problemang nararanasan nating mga mananampalataya ngayon. Marami sa atin ang magaling mangaral at mapaniniwala kang totoo nga silang relihiyoso, ngunit hindi naman isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. Ang tawag dito, pagkukunwari.
Kapag hindi umaangkop at ating sinasabi sa ating ginagawa, lumilikha tayo ng kalituan sa mga isipan ng ating “tagapakinig”. Kaya marami sa atin ang hindi na siniseryoso ang mensahe ng mga Ebanghelyo.
Ang isang Kristiyano na nakagagawa ng malaking epekto sa mga mata at tenga ng daigdig, at nagsusulong sa mga gawain ni Jesus, ay yaong inilalapat ang kanilang gawa sa kanilang sinasabi. Nang mangaral si Santiago tungkol sa “karungungang mula sa Langit,” inilarawan niya iyon bilang “dalisay, mapayapa, banayad, handang magbigay, liglig sa awa at mabuting bunga, walang itinatangi at walang pagkukunwari”.
Ang ating papel na ginagampanan bilang mga Kristiyano ay hindi tulad ng mga dubbing talents. Sila ang hindi kumikilos na tinig sa likod ng mga cartoon character, samantalang ang mga Kristiyano naman ang kumikilos ayon sa kanilang sinasabi.
Araw-araw, gumagawa tayo ng sarili nating “pelikula” na sumasalamin sa ating ikinikilos at sa ating sinasabi. Pinanonood tayo ng maraming tao at hindi natin karakter ang lituhin sila. Kapag lapat ang kilos sa salita, malinis at malinaw ang ating soundtrack.