Humiling ang mga abogado ng gobyerno mula sa Supreme Court (SC) ng mas maraming oras upang sagutin ang apat na petisyon na humahamon sa fare increase sa tatlong linya ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).

Sa isang mosyon, humiling si Solicitor General Florin Hilbay ng 30-day extension o hanggang Pebrero 23 upang makapaghain ng sagot sa ngalan ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Jose Emilio A. Abaya.

Una rito, hinimok ang SC na ipatigil sa gobyerno ang pagpapatupad ng taas-pasahe sa LRT Lines 1 at 2, at MRT Line 2 na sinimulang ipatupad noong Enero 4.

Sa isang manifestation, sinabi ng Bayan Muna Party-list group na hindi magdurusa ang gobyerno ng malawakang pinsala kung mapapatigil ang koleksiyon sa taas-pasahe sakaling ipag-utos ito ng SC.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Hindi agad kumilos ang SC sa hiniling na mga lunas tulad ng temporary restraining order (TRO) o status quo ante order (SQAO) ng mga petitioner sa apat na kasong inihain kontra sa taas-pasahe.

Sa halip, iniutos ng SC sa full court session nito noong Enero 13, na sagutin ng gobyerno ang apat na petisyon at ipaliwanag kung bakit hindi dapat ilabas ang injunctive relief.

Bukod kay Abaya, unutusan ding magkomento sa apat na petisyon sina MRT3 Officer-in-Charge Renato Z. San Jose, Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Honorito D. Chaneco, ang Metro Rail Transit Corporation, at ang Light Rail Manila Consortium (LRMC).