Sinimulan ng Ateneo de Manila University (ADMU) ang kanilang 3-peat campaign sa baseball matapos ang pagwawagi habang nanatili namang walang talo ang National University (NU) sa men’s at women’s lawn tennis, ayon sa pagkakasunod, sa pagpapatuloy ng second semester ng UAAP Season 77.
Limang batters ang na-struck out ng pitcher na si Andy Tan nang igupo ng Blue Eagles ang Adamson University (AdU) Falcons, 5-3, sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Dahil sa pamumuno ng reigning MVP na si Tan, nakauna ang Blue Eagles, 4-0, makaraan ang apat na innings bago nila napigil ang tangkang paghabol ng Falcons para makamit ang panalo.
Sa iba pang laro, tinalo ng Season 76 runner-up De La Salle University (DLSU) ang University of the Philippines (UP), 19-5, sa loob ng pitong innings habang dinurog ng University of Santo Tomas (UST) ang NU, 8-3.
Sa softball, sinimulan ng Lady Bulldogs ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 15-5 tagumpay sa Lady Eagles sa loob ng anim na innings.
Ginulat naman ng Lady Archers ang Season 76 third placer na Tigresses, 7-3, habang namayani ang University of the East (UE) kontra sa Lady Maroons, 10-4.
Naka-draw naman ng bye sa opening day ang defending champion at patuloy pa ring undefeated, makaraan ang 48 laban mula pa noong 2011, na Adamson Lady Falcons.
Nagpatuloy naman ang dominasyon ng NU sa men’s lawn tennis nang kanilang talunin ang La Salle at UST, 5-0 at 4-1, ayon sa pagkakasunod, para umangat sa malinis na 4-0 baraha sa Paranaque City.
Bumawi naman ang Tiger sa nasabing pagkabigo sa pamamagitan ng 3-2 paggapi sa Maroons na bumangon naman sa kanilang natamong kabiguan sa UE, 3-2.
Dahil dito, nagtabla sa ikalawang posisyon ang UST at UP na may barahang 3-1 (panalo-talo).
Pinangunahan naman ni reigning MVP Christine Patrimonio at kapatid na si Clarice Patrimonio, umangat ang Lady Bulldogs sa malinis na 3-0 marka sa pamamagitan ng 5-0 pagblangka sa La Salle at Ateneo.
Dahil sa panalo, tumabla sila sa UST sa liderato kasunod sa naitala nilang 4-1 panalo kontra sa Ateneo.