TINIYAK sa amin ni Mr. Jojo Lim, overall president ng Vilma Santos Solid International, na susugod silang lahat sa UP Film Institute sa February 5, 2015. Ipapalabas kasi ang tatlong award-winning movies ni Batangas Gov. Vilma Santos.
“Ang bongga rito, ni-restore sa high definition ang mga mapapanood na pelikula, ang Anak na dinirek ni Rory Quintos; Kapag Langit Ang Humatol directed by Laurice Guillen at Bata, Bata, Paano Ka Ginawa? ni Direk Chito Roño,”sabi ni Jojo.
Napag-alaman nila na para sa UP Diliman anniversary month ang film showing at tiyempo namang ipinagdiriwang ng naturang pamantasan ang National Artist Month.
Matatandaan na si Vilma Santos ang first UP Gawad Plaridel Awardee for Film and Recipient ng UP Film Institute’s Diwata Award for Distinguished Woman in Cinema.
Para sa gustong manood, naririto ang schedule ng film showing sa UP Film Institute: Anak – 2:30 PM; Kapag Langit ang Humatol -- 5:30 PM; Bata, Bata... – 7:30 PM sa Feb. 5.
Ibinalita rin ng aming kaibigan na bukod sa cinema event para kay Ate Vi, tatanggap naman siya ng Ani ng Dangal Award mula sa National Commission for Culture and the Arts sa February 12, Thursday. Isasabay ito sa 7th Ani ng Dangal ceremony na gaganapin sa Old Senate House Hall of the National Museum of the Philippines sa Padre Burgos St., Manila.
Pararangalan ang si Ate Vi dahil sa international achievement niya sa 13th Dhaka International Film Festival kung saan nagbigay siya ng honor at pride sa bansa nang manalo bilang Best Actress para sa pelikulang Ekstra.
Ang trophy, medal o certificate na ibinigay kay Gov. Vi sa Dhaka ay idi-display sa Ani ng Dangal exhibit na magaganap ngayong buwan.