NITONG mga nakaraang araw, tinalakay natin ang mga palatandaan na nagtatagumpay ka na sa buhay. Nakatulong nawa ito sa iyo upang mabatid na nagtatagumpay ka na pala. Ipagpatuloy natin...
- Laging positibo ang iyong pananaw sa buhay. – Maaaring puno ng kabiguan ang buhay – iyon ay kung gusto mong tingnan iyon nang ganoon. Ngunit ang buhay ay oportunidad upang matuto. Walang nasasayang na negatibong karanasan hanggang may natututuhan ka roon.
- Tanggap mo na ang mga bagay na hindi mo na mababago. – Aminin na natin – maraming bagay sa buhay ang hindi mo na mababago. Ang maaari mo lang mabago ay ang iyong paanaw sa mga situwasyon o sa mga pangyayari. Kung kaya mong mabago ang negatibo mong pananaw sa mga situwasyon upang maging positibo, nagtagumpay ka na.
- Binabago mo ang mga bagay na kaya mong baguhin. – Aminin na natin uli – maraming bagay sa buhay na kaya mong baguhin. Ang matatagumpay na tao ay hindi naghihintay na lamang ng mga negatibo na maaari namang baguhin. Kumikilos sila at gumagawa ng paraan upang mangyari ang kanilang gusto.
- Masaya ka. – Para sa akin, ito ang pinakamatingkad na kahulugan ng pagiging matagumpay. Hindi na mahalaga kung magkano ang iyong salaping nakaimbak sa bangko, o kung gaano kalaki ang iyong bahay, o kung saan-saang lupalop ng daigdig ka na nakarating, o kung ilan ang mayayaman mong kaibigan, o ilan na ang negosyong itinayo mo, ang mahalaga ay masaya kang talaga sa iyong buhay. Aanhin mo pa ang lahat ng iyong mga naipundar kung hindi ka naman masaya? Ni wala kang mapagsabihan ng iyong mga nararamdaman? Ni wala kang balikat na iyakan sa mga sandali ng iyong kalungkutan?