Nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan (SB) ng Tabon-Tabon, Leyte na nagtaguri kay Pope Francis bilang “Superpope.”
Inakda ni SB Member Nestor Abrematea ang resolusyon na nagpapahayag ng paghanga sa Santo Papa na hindi ininda ang bagyong ‘Amang’ para maidaos ang misa kasama ang mga sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ nitong Enero 17.
Matatandaang sa kabila ng walang tigil na ulan at malakas na hanging dulot ng Amang ay bumisita at nagmisa pa rin ang Papa sa Tacloban City at sa Palo nang araw na iyon.
Napahanga rin si Fr. Eliseo “Bong” Loreto, chief vicar ng St. Anthony of Padua Parish sa Tabon-Tabon, sa tinawag niyang “super malasakit” na ipinamalas ng Santo Papa.
Kabilang ang nasabing simbahan ng Tabon-Tabon sa mga istrukturang matinding sinalanta ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013.
Samantala, nagpasa rin ng resolusyon ang Sangguniang Panlungsod ng Tacloban, sa pangunguna ni Vice Mayor Jerry “Sambo” Yaokasin, na nagpapahayag ng labis na pasasalamat kay Pope Francis sa pagbisita nito sa Tacloban.
“Ito ang paraan ng pasasalamat ng city government sa inspirasyong idinulot ni Pope Francis sa mga biktima ng Yolanda at sa ligaya at comfort na ibinigay niya sa mga patuloy na nagluluksa,” ani Yaokasin.
Sinabi ni Yaokasin na magpapadala siya ng kopya ng resolusyon sa Vatican sa pamamagitan ni Papal Nuncio Archbishop Giuseppe Pinto at ni Palo Archbishop John Du.