Inaasahang magiging tune-up tournament para sa ika-28 edisyon ng Southeast Asian Games ang gaganaping 2015 Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa Marso 19-22 sa San Luis Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.

Ito ang isiniwalat ni Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) president Philip Ella Juico sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s Malate kung saan ay sasabak sa aksiyon ang mahigit sa 1,500 atleta, kabilang na ang mga manlalaro sa Silangang Asya at mga kapitbahay sa Asya.

“We are expecting a total of 1,500 athletes coming from our national pool and in Southeast Asia as well as in our neighboring countries in Asia,” sinabi ni Juico, na kasamang dumalo sina Nicanor Sering, Renato Unso, Edward Kho at Vincent Soriano, ang chief of staff ni Governor Ramil Hernandez ng host Laguna.

Kabuuang 23 event na mula sa 44 disiplina sa track and field ang paglalabanan sa apat na araw na torneo kung saan ay nagkumpirma na ng kanilang paglahok ang mga kalabang bansa sa 28th SEA Games sa Hunyo 5 hanggang 16 na Singapore, Indonesia, Brunei, Thailand, Vietnam at dalawang koponan sa Malaysia.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Magpapadala rin ng kanilang atleta ang Japan, Hong Kong, Taiwan at Korea sa torneo na dinagdagan ng mga event sa juniors, seniors at masters division.   

“Singapore confirmed they will be sending a full delegation. That is how serious they are in preparing their athletes,” pahayag ni Juico tungkol sa torneo na magsisilbi ring qualifying tournament para sa pambansang atleta na hangad mapasama sa pambansang delegasyon sa SEA Games sa Singapore.

“This is a requirement of PATAFA for all the national athletes dahil ito ang pagbabasehan para mapasama sila sa SEA Games at kung mananatili pa ba sila sa national team,” paliwanag ng tournament manager na si Unso.

Idinagdag ni Unso na inaasahan din na darating sa bansa para lumahok ang Fil-Heritage na sina Caleb Stuart, Eric Cray, Richardson sisters at Zion Corrales upang sementuhan ang kanilang puwesto sa pambansang koponan.