BAGAMAT hindi naiuwi ni Mary Jean Lastimosa ang mailap na korona ng Miss Universe competition na ginanap nitong nakaraang Lunes sa Doral, Miami, Florida ay maipagmamalaki pa rin ang pagkakapasok niya sa top 10 sa sinasabing pinaka-prestigious na beauty pageant on earth.
Kuwento ng mga kamag-anak ni MJ, habang pinapanood ang pagrampa ng 84 candidates from all over the world sa large TV screen sa Kagandahang Flores Beauty Camp, kung saan nag-training si MJ, magkahalong nerbiyos at kaba ang kanilang naramdaman.
“Win or lose, proud pa rin kami,” mensahe ng kanyang Tita Evelyn. “Itong pag-iyak ko, tears of joy ‘yan na nakikita ko si MJ na lumalaban para sa Pilipinas,” sabi pa niya pagkatapos ng pageant.
Maging si Maricar, ang kanyang kapatid na hindi nakasama sa kanya sa Miami dahil sa problema sa visa ay walang kasing-saya habang pinapanood ang kapatid na nakikipagtagisan dala-dala ang bandila ng ating bansa.
“Masayang-masaya ako para sa kanya, it’s a dream come true for her,” aniya.
Kahit na hindi nakarating sa top 5 ang kapatid, hindi nagbabago ang sayang kanilang nararamdaman for MJ.
“Siguro naman, naibigay na niya ‘yung best niya at nakita naman natin ‘yun. Kumbaga, na kay Lord na ‘yun, eh. Masaya pa rin kami at proud sa kanya.”
Sa pag-uwi ni MJ, may nakahandang grand welcome para sa kanya ang kanyang mga kababayan sa South Cotabato, ang kanyang home province.
Ani Maricar ‘pag nagkita sila ni MJ, “Yayakapin ko siya at iko-congratulate ko pa rin siya and I’m very proud of her. Marami ang sumusuporta at nagmamahal sa kanya. Alam ko na proud din sila sa naging performance niya sa Miss Universe.”
Sabi nga’y you cannot please everybody, kaya marami pa rin ang kumukutya sa kanyang pagkatalo.
Pahatid-mensahe ni Maricar, “Hindi po lahat nabibigyan ng pagkakataon na marating ang narating niya, dati pinapanood lang namin ‘yang Miss Universe sa TV, at para sa akin ang husay niya lalo na sa swimsuit competition. Nadala niya talaga ng maayos at wala akong masabi,” pagtatapos niya.