TUWANG-TUWA si MTRCB Chairman Atty. Toto Villareal na hindi nakalimutan ng halos lahat ng kanyang mga kaibigan sa showbiz ang kanyang kaarawan. Dumaan ang mga ito sa kanyang tanggapan para personal siyang batiin last Thursday.
Siyempre, ang isa sa mga naging pasimuno sa pag-iimbita ng showbiz friends ni Atty. Toto ay ang showbiz people na board members ng ahensiya at isa na rito si Gladys Reyes.
Kuwento sa amin ni Gladys, kagaya raw nu’ng nakaraang taon ay napakasaya rin ng kanilang boss dahil dumating sa MTRCB office sina Bea Alonzo, Katrina Halili, Kris Bernal, Derrick Monasterio, Bugoy Drilon at iba pa.
Si Atty. Toto ang pumalit kay Sen. Grace Poe bilang MTRCB chief pero wala naman daw siyang balak na pumalaot din sa pulitika kagaya ng pinalitan niya. Kaya mariing itinanggi ni MTRCB chairman ang kumalat na balitang papasukin din niya ang pulitika sa darating na 2016.
“Wala sa plano ni Atty. Toto na pasukin ang pulitika. Gusto niya, eh, simpleng buhay lang at pagkatapos na termino niya next year, eh, balak niyang balikan ang law practice at simpleng pamumuhay,” kuwento ni Gladys sa amin.
Well loved ng showbiz si MTRCB Chairman Toto Villareal na hindi na rin mabilang ang mga nagawa sa ikauunlad ng industriya. Naramdaman din naman ng mga entertainment industry ang mga pagbabago at kung paano kaepektibo ang kanyang kampanyang matalinong panonood para sa pamilya.
Sey pa ni Gladys, naging responsable na rin ang producers sa paggawa ng mga pelikula na puwedeng mapanood ng buong pamilya. Nakita niya sa nakaraang MMFF 2014 na karamihan sa mga pelikulang kalahok ay may parental guidance. “Responsibilidad pa rin naman ng mga magulang kung ano ang tamang panoorin ng mag-anak.”
Ang isa pang pagbabagong sinisimulan na nila ay ang advisory nila sa producers na meron na ring parental guidance sa trailer.
“Nu’ng last year, ‘ni-launch natin ‘yung advisory sa trailers na puwede na ngayon magkaroon ng parental guidance sa trailer pero may angkop na warning nang lumabas muna at bumili muna ng popcorn, na huwag munang panoorin ng mga bata.
“Ini-strengthen naman natin ‘yung kakayahan ng ating film producers na puwedeng ma-advertise ang kanilang mga pelikula. Naniniwala kami sa MTRCB na it’s high time na gawing globally competitive ang quality ng ating mga pelikula at ang ugat diyan ay pagsunod sa tinatawag nating dignity of the human person and audience sensitivity,” banggit pa ni Gladys.