Nagbanta ang grupong Migrante na maghahain ng contempt charges laban sa Manila International Airport Authority (MIAA) sakaling ipatupad nito ang International Passengers Service Charge (IPSC) na nagkakahalaga ng P550 para sa mga pasahero simula sa Linggo, Pebrero 1.
Sa ilalim ng IPSC, ang bayarin ng bawat pasahero na P550 terminal fee ay isasama sa pasahe ng international flight.
Sa panayam, sinabi ni Emmanuel Geslani, isa sa mga miyembro ng #NoTo550Coalition, na hindi sila makapaghain ng petisyon na humihiling na i-contempt ang MIAA hanggang hindi tuluyang naipatutupad ang kontrobersiyal na patakaran.
Ito ay kaugnay ng omnibus motion na inihain ng grupo noong Enero 12, 2015 sa Pasay Regional Trial Court (RTC) Branch 109 laban sa IPSC.
Sa naturang mosyon, hiniling ng grupo sa korte na maglabas ng show cause order sa MIAA upang magpaliwanag ang ahensiya kung bakit hindi ito dapat i-contempt bunsod ng unang pahayag nito na ipatutupad na IPSC sa Pebrero 1 sa kabila ng mga naihaing mosyon.
Ayon kay Geslani, hinihintay pa rin ng grupo ang magiging desisyon ng Pasay RTC sa omnibus motion.
Samantala, sinabi ni Susan “Toots” Ople ng #NoTo550 Coalition at pinuno ng Ople Policy Center, na dadalhin nila ang kaso ng IPSC sa Kongreso upang igiit na magsagawa ito ng imbestigasyon sa kontrobersiyal ng terminal fee.