Inaasahang makararating na sa kanayunan ang Kariton Klasrum ng Department of Education at Dynamic Teen Company.
Sa ‘Kariton Klasrum roll-out’ sa Bulwagan ng Karunungan, DepEd Complex, Meralco Avenue, Pasig City, binigyan-diin nina Education Secretary, Br. Armin A. Luistro FSC at 2009 Cable News Network hero, Mr. Efren Peñaflorida, na target nilang pagkalooban ng edukasyon ang mga batang lansangan, out-of-school at dropouts.
Ayon sa DepEd, gagamit sila ng alternative delivery mode gaya ng pagtuturo sa kalsada, barangay hall at maging sa mga barung-barong o kubo.
Dinala na sa Visayas ang Kariton Klasrum upang ibalik sa normal ang pag-aaral ng mga sinalanta ng bagyong Yolanda.
Sinabi ni Mr. Peñaflorida na hindi kapalit ng formal education o pag-aaral sa paaralan ang kanilang ginagawa kundi dagdag agapay lamang ito sa gobyerno para mabigyan ng edukasyon ang mga bata dahil nakatuon sila sa out-of-school.