ANG ika-154 kaarawan ni Julian R. Felipe, na sumulat ng pambansang awit na “Lupang Hinirang” ay idinaraos ngayong Enero 28. Ang musika, na unang pinamagatang “Marcha de Filipino Magdalo” at muling pinamagatang “Marcha Nacional Filipina” ay itinadhana bilang anthem ng unang Republika ng Pilipinas at tinugtog sa unang pagkakataon ng San Francisco de Malabon band habang iwinagayway ang bandila ng Pilipinas sa proklamasyon ng Kasarinlan ng bansa noong Hunyo 12, 1898 sa Kawit, Cavite.

Noong Setyembre 6, 1939, nagpasa ng batas ang National Assembly na nagdedeklara sa komposisyon ni Felipe bilang pambansang awit. Ang orihinal na anthem, na naging inspirasyon ang mga bayani ng rebolusyon sa pakikipaglaban ng mga ito para sa kalayaan at demokrasya, ay inspirado ng tatlong piyesang musikal - ang unang bahagi mula sa Macha Real ng Spain, ang pangalawa mula sa Grand March ng Aida, at ang pangatlo ay mula sa La Marseillaise ng France.

Sa loob ng isang taon, nanatiling walang liriko ang anthem. Noong Agosto 1899, ang makata at sundalong si Jose Palma ay sumulat ng Filipinas na isang tulang Espanyol, na naging mga titik ng anthem hanggang sa unang bahagi ng 1900s.

Sa bisa ng Republic Act 7805 na nagdedeklara sa Enero 28 bilang Julian Felipe Day. Pararangalan ang kompositor sa pag-aalay ng mga bulaklak at mga seremonya sa kanyang bantayog na malapit sa San Sebastian College-Recoletos sa Cavite City, at sa kanyang libingan sa San Roque, Cavite City.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Isinilang noong 1861, mga magulang niya sina Justo Felipe at Victoria Reyes sa Cavite City, nag-aral sa mga pampublikong paaralan sa Cavite at Binondo. Ang kanyang talino sa musika ay nilinang sa mura niyang edad ng isang Recollect priest na kumuha sa kanya bilang organista sa St. Peter’s Parish Church. Nagturo siya ng musika sa La Sagrada Familia na isang paaralang pambabae. Isinulat niya ang kanyang mga obra maestra tulad ng Aurorita, Danza, Cintas y Flores, Motete al Santisimo, at isang awitin para sa Mahal na Birheng Maria. Sa kanyang mga obra natamo ang isang medalyang pilak at membership sa Sta. Cecilia Musical Society noong 1895.

Nang sumiklab ang rebolusyon noong 1896, umanib siya sa Trece Martires ng Cavite sa paglaban sa mga Kastila. Naaresto sila at kinulong sa Fort San Felipe. Nang lumaya, muli siyang umanib sa tropa ni General Emilio F. Aguinaldo na humiling sa kanya na sumulat ng “something stirring and majestic which can inspire men to fight the enemy, something which embodies the noble ideals of the Filipino race.” Matapos ang Philippine-American war, nahalal si Felipe bilang konsehal ng Cavite, itinalagang direktor ng Banda Nacional ng unang Republika ng Pilipinas noong 1899 at naglingkod bilang bandmaster ng United States Navy noong Mayo 1904. Sa panahon ng Commonwealth, sinulat niya ang “Hail to the Chief,” “Douglas MacArthur March,” “Philippines, My Philippines,” at ang “Un Recuerdo,” na dedikado sa Trece Martires ng Cavite. Pumanaw siya sa Maynila noong Oktubre 2, 1944.