SA malalayang ekonomiya na gaya ng Pilipinas, mahalaga ang kompetisyon dahil mas maraming pamilihan ang nararating ng mga lokal na produkto. Ito naman ay nagbubunga ng paglakas ng produksiyon, na nangangahulugan naman ng maraming trabaho. Ito ang layunin ng integrasyon ng mga ekonomiyang sampung bansa na bumubuo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), kasama na ang Pilipinas. Ngunit maganda man ang kumpetisyon ay kailangang isagawa ito sa pantay-pantay na larangan upang maiwasan ang dislokasyon ng mga mamamayan. Ito ang maaaring mangyari sa Pilipinas.

Naaalala ko pa na ilang dekada na ang lumipas nang tanggapin ng pamahalaan ang programan liberalisasyon na ipinatutupad sa mga bansang Kanluranin, nang walang proteksiyon para sa mga industriyang Pilipino. Ang resulta, maraming lokal na industriya ang bumagsak dahil sa kumpetisyon sa mas makabagong industriyang ibang bansa. Ang bigas ang pinakamahalagang produkto ng ating agrikultura dahil ito rin ang ating pangunahing pagkain. Kabilang ang Pilipinas sa mga pangunahing nagtatanim ng palay, ngunit isa rin ang ating bansa sa pinakamalakas umangkat nito. Malaki ang ginugugol ng pamahalaan upang pataasin ang produksiyon ng palay, sa layuning magkaroon ng sapat para sa ating pangangailangan. Ang bumabangong tanong sa aking isipan ay kung paano ito maaapektuhan ng ASEAN economic integration, at sa huli, ano ang magiging epekto sa ating mga magsasaka. Bilang kaanib ng World Trade Organization (WTO), obligado ang Pilipinas na umangkat ng 350,000 metro tonelada ng bigas bawat taon, sapat man o hindi ang lokal na produksiyon. Sa kasalukuyan, umaangkat pa ang bansa ng karagdagang bigas upang mapunuan ang pangangailangan. Walang kapangyarihan ang mga magsasaka, kaya inaasahan ko na itataguyod ng pamahalaan ang kanilang kapakanan habang ipinatutupad ang integrasyon sa rehiyon.

Huwag nating limutin na ang sektor ng agrikultura, na kumakatawan sa 30 porsyento ng mga may trabaho noong 2014, ay siya ring pinakamahirap na bahagi ng populasyon. Nauunawaan ko na kailangan ng pamahalaan na makibahagi sa programa ng ASEAN economic integration. Ang integrasyon ng ekonomiya ay hindi dapat humangga lamang sa pagbubukas ng pamilihan. Dapat nitong tingnan ang epekto sa mga mahihinang bahagi ng populasyon. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng makataong mukha ang integrasyon.

57 kilos ng shabu na isinilid sa Chinese tea bags, nakumpiska sa pantalan sa Southern Leyte