SA pagbisita ni French President Francois Hollande sa Pilipinas sa Pebrero 26-27, hangarin niyang makipag-alyansa para sa pagsisikap na pakilusin ang mga bansa laban sa climate change na lumikha na ng mapaminsalang mga kalamidad sa loob ng maraming taon.

Magiging punong-abala ang France sa ika-21 sesyon ng United Nations Climate Change Conference na nakatakdang idaos sa Nobyembre 30-Disyembre 11 sa Paris. Sa mga nagdaang mga komperensiya, nagkaroon ng matinding pagtutol ang ilang bansa sa mga proposal na bawasan nila ang kani-kanilang carbon emissions na itinuturong pangunahing dahilan ng climate change at matitinding lagay ng panahon.

Karamihan sa emissions na ito ay nagmumula sa bansang industriyalisado o nagiging industriyalisado na, ngunit ang iba pang bansa, lalo na yaong mga isla, ang mas nagdudurusa habang natutunaw sa pagtaas ng temperatura ng daigdig ang glaciers na lumilikha ng pagtaas ng level ng mga dagat, at nagiging mas malakas at nakamamatay ang mga bagyo. Ang pagtutol sa epektibong hakbang ay bunsod ng katotohanang kailangang kontrolin ng pinakamalalaking bansang nagpo-pollute ang kanilang industrial activities o mag-develop ng mga teknolohiya – sa murang halaga – upang mabawasan ang carbon emissions. Mayroon ding patuloy na nagdududa sa realidad ng climate change. “It is necessary to send a message to skeptics who deride climate change that there is a reality behind climate change, a history of families, of events,” ani Nicholas Hulot, ang “special envoy for the protection of the planet” ni Pangulong Hollande, na nasa Pilipinas upang ihanda ang presidential visit. Ang panganib na iyon ay totohanang nakita ng daigdig nang sinalanta ng monster typhoon Yolanda ang Pilipinas noong 2013.

Ang France mismo ay nagbalangkas ng isang national plan upang bawasan ang pagkonsumo ng fossil fuel sa kalahati pagsapit ng 2050. Ang goal nito na sa pagtatapos ng komperensiya sa Paris, ay magsasagawa ng kaparehong adhikain sa lahat ng bansa at isang kasunduan na may kongkretong target figures ang ipatutupad.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sinabi ni Sen. Loren Legarda, na nakipagkita kay Hulot, na maaaring samahan si Pangulong Hollande sa kanyang pagbisita rito ng kilalang mga aktibista para sa hakbanging laban sa climate change, kabilang si dating United States Vice President Al Gore na unang major international figure upang ilutang ang mga warning signal. Maaaring magkaroon din ng iba pang tanyag na personalidad na kasama ni Pangulong Hollande – ang mga bituin ng Hollywood, mga pambansang leader, mga opisyal ng UN, at mga Nobel laureate.

Idadagdag nila ang kanilang mga tinig sa lumalagong panawagan para sa tuwirang internasyonal na pagkilos. At gagawin nila ito sa nakilala sa buong daigdig bilang “ground zero” sa pinsala ng climate change – ang Pilipinas.