Mananatiling suspendido ang dalaw ng pamilya ng mga preso sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prisons (NBP) hanggang hindi nalulutas ang insidente ng pagsabog ng granada sa pasilidad nitong Enero 8.
Isang preso ang namatay habang 19 na iba pa ang nasugatan sa insidente.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Leila de Lima sa harap ng ikinasang camp out ng mga pamilya ng mga bilanggo sa labas ng NBP upang igiit sa gobyerno na payagan silang mabisita ang kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon kay De Lima, sa ganito kasing paraan ay maoobliga nila ang mga gang leader sa Bilibid na makipagtulungan sa imbestigasyon at isuko na ang nasa likod ng pagsabog.
Dagdag pa ng kalihim, ang isyu ng visitation rights ay nakadepende rin sa magiging rekomendasyon ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Franklin Bucayu.
Kasabay nito, inihayag ni De Lima na mayroon nang natukoy ang NBI na posibleng may kagagawan sa pagsabog.
Pero para makatiyak umano sa resulta ng imbestigasyon, mayroon pang mga tinutunton na lead ang NBI.
Inihayag pa ni De Lima na iginagalang niya ang karapatan ng mga pamilya ng mga bilanggo na magsagawa ng payapang pagtitipon.