MELBOURNE, Australia (AP)– Napigilan ni five-time Grand Slam winner Maria Sharapova si Eugenie Bouchard sa tangkang pagsungkit sa unang titulo sa major, at tinalo niya ang batang Canadian, 6-3, 6-2, kahapon upang umabante sa Australian Open semifinals.
''I had to produce a really good performance against Genie,'' ani Sharapova. ''She's been playing so confidently and aggressively.''
Ang huling beses na nagkatapat sina Sharapova at Bouchard, sa semifinals ng French Open noong nakaraang taon, nanalo si Bouchard sa first set bago nakabalik si Sharapova at kunin ang dalawang sumunod na sets. Napanalunan ni Sharapova ‘di kalaunan ang titulo sa Roland Garros.
Ang 27-anyos na French Open champion ay layong mapagwagian ang kanyang unang korona sa Australian Open mula 2008. Si Sharapova ay dalawang beses nang naging finalist sa Melbourne, noong 2007 at 2012.
Makakaharap ni Sharapova ang No. 10 na si Ekaterina Makarova sa semifinals, matapos matalo ng kapwa niya Russian ang No. 3 na si Simona Halep sa straight sets sa unang quarterfinal, 6-4, 6-0.
Nagkampeon sa 2008 Australian Open, si Sharapova ay mayroong 5-0 rekord kontra kay Makarova, kabilang ang mga panalo sa quarterfinals noong 2012 at 2013. Sa apat na pagkatalo, nabigo si Makarova na maipanalo ang isang set.
''She likes playing here,'' sabi ni Sharapova tungkol kay Makarova. ''She uses that left-handed serve really well. It's always tricky playing a lefty and your compatriot, as well, but one of us will be in the final and that makes me happy.''
Ito ang ikalawang sunod na Grand Slam semifinal ni Makarova. Siya ay umabot sa kanyang unang major semis sa U.S. Open noong nakaraang taon, natalo kay Serena Williams matapos niyang talunin si Bouchard sa fourth round.
''I'm so comfortable here, it's all the atmosphere and maybe memories from New York that I bring here,'' saad ni Makarova.
Ang iba pang women’s semifinalist ay ang No. 1-ranked na si Williams na hahamunin ang finalist noong nakaraang taon na si Dominika Cibulkova, habang si Venus Williams, maglalaro sa kanyang unang Grand Slam quarterfinal sa loob ng halos limang taon, ay kakalabanin naman ang 19-anyos na American na si Madison Keys.