Naka-half-mast ang lahat ng bandila sa lahat ng military instalation sa bansa para sa mahigit 40 pulis na napatay sa isang sagupaan sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Masasapano, Maguindanao, nitong Linggo.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Gregorio Pio P. Catapang Jr. na layunin nitong ipagluksa at bigyang-pugay ang mga nasawing operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).
“Ipinagluluksa natin ang pagkamatay ng magigiting na pulis na ito na isinakripisyo ang kanilang buhay para sa bansa. Buong kabayanihan silang nakipaglaban at hindi nasayang ang kanilang pagkamatay,” sabi ni Catapang.
Alinsunod sa RA 8491, maaaring i-half-mast ang bandila ng Pilipinas bilang simbolo ng pagluluksa sa pagkamatay ng piling opisyal ng gobyerno at iba pang tao na tutukuyin ng National Historical Institute.
Sa kanyang direktiba, ipinag-utos ni Catapang sa General Headquarters at sa lahat ng kampo, base at himpilan ng AFP na gawing half-mast ang mga bandila sa loob ng limang araw, simula nitong Enero 26.
Kaugnay nito, humiling din ng panalangin para sa 44 na nasawing miyembro ng SAF ang Military Ordinariate of the Philippines, na may hurisdiksiyon sa mga chaplain sa militar, pulisya at coast guard.
Magdaraos din ng misa sa St. Ignatius De Loyola Cathedral sa Camp Aguinaldo ngayong Miyerkules, sa ganap na 6:30 ng umaga, para sa kaluluwa ng mga nasawing SAF.
Apatnapu’t apat na police commando, kabilang ang pitong opisyal, ang napatay at 12 iba pa ang nasugatan sa tinatawag ng mga opisyal na “misencounter” makaraang salakayin ng SAF ang base ng MILF sa Mamasapano, Maguindanao nitong Linggo.
Misyon ng nasabing mga tauhan ng PNP-SAF na tugisin ang teroristang Malaysian na si Zulkifli Bin Hir, alyas Marwan, leader ng Jemaah Islamiyah; at ang kilabot na Pilipinong bomb expert na si Basit Usman.