ISULAN, Sultan Kudarat – Itinanggi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na kasama ng grupo sa kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Tukanalipao sa Mamasapano, Maguindanao nitong Linggo ang Malaysian terrorist at Jemaah Islamiyah leader na si Zulkifli Bin Hir, alyas Marwan, nang sumalakay ang mga tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na nauwi sa sagupaan at ikinamatay ng mahigit 40 pulis.

Sinabi ni Abu Misry Mama, tagapagsalita ng BIFF, na 2004 pa napatay si Marwan sa isang labanan sa Cotabato.

Gayunman, kinumpirma ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Mujiv Hataman nitong Lunes na nasa nasabing lugar ng engkuwentro si Marwan at ang Pinoy bomb expert na si Bassit Usman, ang dalawang tinugis ng SAF sa kampo.

Itinanggi rin ni Mama na may nasaktan o namatay sa panig ng BIFF sa engkuwentro nitong Linggo at ibinidang mahigit 10 armas ng PNP-SAF ang nasamsam ng kanilang grupo mula sa mga napaslang na pulis.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Mariin namang kinondena ng iba’t ibang sektor sa Sultan Kudarat at mga residente sa Maguindanao ang insidente at nanawagan sa gobyerno at sa MILF na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa nangyari.

At bagamat naniniwala ang leader ng Suara-Bangsamoro na kailangang tapusin agad ang pagtalakay sa Bangsamoro Basic Law (BBL), taliwas dito ang pananaw ng marami, lalo na umano at sangkot ang MILF sa karumal-dumal na pangyayari na tinatagurian ngayon bilang “Maguindanao Massacre 2”.

Nasa 44 na operatiba ng PNP-SAF ang nasawi at 12 iba pa ang nasugatan sa nasabing engkuwentro sa MILF at BIFF nitong Linggo.