LIBING Inililibing ng mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Fish Cemetery sa Dagupan City, Pangasinan ang isa sa tatlong bottlenose dolphin na natagpuang patay sa pampang ng Lingayen Gulf, kahapon ng umaga.  JOJO RIÑOZA

LINGAYEN, Pangasinan – Nasa 16 na dolphin, na kundi man wala nang buhay ay sugatan, ang napadpad sa pampang ng Lingayen Gulf nitong Lunes at Martes.

Ayon sa report kahapon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-National Integrated Fisheries Technology Development Center (BFAR-NIFTDC), batay sa nakalap nilang impormasyon ay posibleng nagmula ang mga bottlenose dolphin sa Aringay, La Union.

Namataan ng mga mangingisda ang anila’y nanghihinang mga dolphin sa Barangay Alaska.

National

Magnitude 4.3 na lindol, tumama sa Davao Occidental

Sa unang limang dolphin na lumutang sa Dagupan City ay isa ang napaulat na namatay at nailibing na rin nitong Lunes sa Fish Cemetery ng BFAR.

Hanggang kahapon ay patuloy ang paglitaw ng mga dolphin sa iba’t ibang lugar sa Pangasinan; isa ang namatay sa Tondaligan Beach sa Dagupan City at sa Binmaley.

Sa Lingayen, dalawa ang patay na dolphin, isa ang kinuha ng mga residenteng mangingisda, at isa pa ang ginagamot sa tanggapan ng BFAR-NIFTDC.

May namataan ding mga nanghihinang dolphin sa Sual, Alaminos City, na isinailalim na rin sa gamutan.

Sinabi naman ni Dr. Westly Rosario, hepe ng BFAR-NIFTDC, na sasailalim sa necropsy ang mga patay na dolphin upang matukoy ang dahilan sa pagkamatay ng mga ito.