Malaking tulong ang naipagkaloob sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa Middle East ni King Abdullah, ang yumaong hari ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA).

Ito ang nakapaloob sa pahayag ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa pakikiramay ng gobyerno ng Pilipinas sa mga naulila ng hari.

Inihalimbawa ni Presidential Deputy Spokesperson Abigail Valte ang naging tulong ng yumao para sa kapakanan ng mga OFW, kabilang ang pagbibigay ng clemency sa ilang Pinoy na nahatulan ng bitay.

Sinasabing mismong ang hari pa ng Saudi ang nagbigay ng blood money sa kaso naman ng OFW na si Rodelio Celestino Lanuza upang mailigtas ito sa parusang kamatayan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Naging malaking tulong din ang ginawa ni King Abdullah upang maisaayos ang status ng ilang manggagawang Pinoy na ilegal na nagtatrabaho sa Saudi Arabia.

Sa ilalim umano ni King Abdullah nabuo ng gobyerno ng Pilipinas at Saudi ang Standard Employment Contract na gumagabay sa mga kontrata ng mga Pinoy domestic worker, na sinundan ng paglagda sa kasunduan sa domestic worker recruitment.

Layunin ng kasunduan na mabigyan ng proteksiyon ang mga Filipino household service worker sa kaharian ng Saudi.

Ang nasabing makasaysayang okasyon ay hindi maaaring makalimutan ng gobyerno ng Pilipinas sa kabila ng pagpanaw ng hari ng Saudi Arabia, ayon kay Valte.