May naaamoy na iregularidad ang Commission on Audit (CoA) sa mga transaksiyon ng Philippine Navy na umabot sa P340 milyon, kabilang ang kuwestiyonableng pagbili ng kagamitan at air and sea assets ng hukbo.

Base sa 2013 annual audit report ng PN disbursements, duda rin ang CoA sa kinahinatnan ng R262.5-milyong pondo na dapat itutustos sa rehabilitasyon ng mga barko, eroplano at kagamitan ng Navy command.

“Cash advances totalling P340,407,490.54 granted to Special Disbursing Officers were mostly used for the procurement of goods and services thru over the counter purchase contrary to the provisions of COA Circular 97-002 dated February 10, 1997 and pertinent provisions of RA 9184,” saad sa audit report.

Nadiskubre rin ng mga state auditor ang kinaugalian ng PN na maglabas ng buwanang cash advance sa mga special disbursing officer upang matugunan ang kanilang operational requirements.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Karamihan sa mga ginastusan ay mga regular na gamit at serbisyo para sa regular na operasyon ng Navy.

Kabilang sa malalaking pinagkagastusan ang supplies, na pinaglaanan ng P113.8 milyon; representation expenses, P26.89 milyon; training expenses, P156.7 milyon; at iba pang supplies at expenses, P30 milyon.

Sinabi ng CoA na dapat munang idinaan ang pagbili ng mga supply sa competitive bidding, gaya ng nakasaad sa RA 9184 o Government Procurement Reform Act upang matiyak na hindi maaargabyado ang gobyerno sa mga transaksiyon.