Arestado ang isang 27-anyos na lalaki matapos pagbantaan ang kanyang tiyuhin na pasasabugin ito gamit ang isang granada sa kanilang bahay sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Ayon sa pulisya, ito ay matapos makipagtalo ang suspek na si Lester Torres sa kanyang ina na si Analiza sa kanilang bahay sa Solis Street sa Barangay 164, Zone 14, Tondo, dakong 9:30 ng gabi noong Linggo.

Nang tangkain ni Rogel Gonzales, tiyuhin ni Lester, na mamagitan sa pagtatalo ng mag-ina ay ikinagalit ito ng suspek na biglang bumunot ng granada.

Habang hawak ang safety pin, binantaan ni Lester si Rogel na pasasabugin niya ang granada kapag hindi tumigil sa pakikialam ang kanyang tiyuhin.

National

₱150 milyong lotto jackpot, pwede mapasakamay ng lotto bettors ngayong Hulyo 16

Agad na humingi ng tulong si Gonzales sa mga opisyal ng barangay, sa pamumuno ni Chairperson Angelita de los Reyes, upang pakalmahin si Torres.

Matapos ang ilang oras na pakikipagnegosasyon ni Reyes, sumuko si Torres sa awtoridad kasama ang kanyang granada. Nabawi rin sa suspek ang dalawang patalim na kanyang itinago sa mga labada.