BAGAMAT maaaring nakakukulili na, hindi dapat palalampasin ang nagbigay-dungis sa maalab na pagsalubong kay Pope Francis. Dahil sa paghahangad na maikubli sa pansin ng ating panauhin, inipon ang mamaralitang pamilya kasama ang street children at dinala sa isang marangyang resort sa Batangas.

Totoo na hindi maitatago ang kahirapan, pero bakit ito ay itinago sa panahon ng pagbisita ng Papa?

Walang kagatul-gatol ang pahayag ng isa sa mga pinagbuhay-marangya sa Batangas: Para kaming ikinubli sa Papa.

May matuwid ang naturang street children. Hindi ba sila ang sinadya ni Pope Francis dito? Lalo na nga ang mga biktima ng kalamidad, tulad ng mga sinalanta ng super-typhoon sa Visayas. Maaaring malayo sa plano ng Papa, pero marami ang naniniwala na malayo sa kanyang hinagap na masaksihan ang ilang sektor ng sambayanan ng sinasabing manhid sa pagdamay sa mga nagdarahop, lalo na ang ilang lingkod ng bayan na nangungulimbat ng biyaya na dapat tinatamasa ng mga dukha.

National

Davao City, inungusan Maynila; pangwalo sa 'worst traffic city' sa buong mundo

Hindi ba paulit-ulit niyang sinasabi: Tutulan at lipulin ang katiwalian?

Hindi lamang miminsang pilit itinago ang karalitaan. Nang minsang tayo ay dinalaw ng isa pang Papa, pinaganda ang mga ruta na kanyang binagtas. Maliwanag na ikinukubli sa kanyang paningin ang naglipanang mga pulubi at ang mga barung-barong na nakatirik sa mga sidewalk at estero.

Isa itong malaking pagkukunwari.

Hindi na sana dapat pang mabahiran ang makasaysayan, banal at maalab na pagtanggap sa kanya.