Naglatag ng tatlong kondisyon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaugnay ng P3.74-bilyon rehabilitasyon ng 23-kilometrong EDSA upang hindi maperhuwisyo ang mga motorista sakaling ipatupad na ang proyekto sa summer season.

Nangunguna sa mga kondisyon ang pagbabalangkas ng epektibong traffic management plan na dapat munang aprubahan ng ahensiya, ayon kay MMDA Assistant General Manager for Operations Emerson Carlos.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), planong simulan ang proyekto sa first quarter ng 2015.

Iginiit ni Carlos ang pagkakaroon ng konsultasyon sa mga stakeholder na maaapektuhan ng proyekto, na ibinitin ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong 2013 dahil sa reklamo maging sa ibang ahensiya ng gobyerno.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Kailangan nating pulsuhan ang mga stakeholder—motorista, operator ng pampublikong sasakyan, at pinakaimportante, mga commuter,” sinabi ni Carlos sa panayam ng radyo DzBB.

Ikatlo, sinabi ni Carlos na dapat maghanda rin ng rerouting plan upang magabayan ang mga motorista sa pag-iwas sa trapiko.

“Hindi lang mahalaga ang traffic simulation. Dapat iprisinta ang mga plano sa DPWH at aprubahan ng MMDA bago sila (kontratista) bigyan ng kaukulang permit,” dagdag ni Carlos.

Ginawang halimbawa ng opisyal ang planong ipatupad ang pagkukumpuni ng Dario Bridge sa EDSA, Quezon City noong Marso 2014.

“Maganda ang koordinasyon sa proyekto, hindi apektado ang daloy ng sasakyan. Ito ang model na gusto naming makita para sa rehabilitasyon ng EDSA,” ani Carlos.

Matatandaan na nagtayo ng isang temporary bridge ang DPWH bunsod ng pagsasara ng ilang lane ng Dario Bridge upang madaanan ng mga motorista.