Ipinaaresto na ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) si Makati City Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay at limang iba pa dahil sa patuloy na hindi pagdalo ng mga ito sa mga pagdinig ng lupon hinggil sa kontrobersiyal na Makati City Hall Building 2 at iba pang umano’y mga katiwalian sa siyudad.
Ayon kay Senator Teofisto “TG” Guingona III, chairman ng Blue Ribbon Committee, binigyan nila ng sapat na pagkakataon ang mga naturang opisyal pero isa lang ang tumalima sa inilabas nilang subpoena kaya sinampahan na nila ng contempt ang grupo ni Binay.
Agad na inatasan ni Guingona ang Office of the Senate Sergeant at Arms (OSSA) na isilbi ang detention order laban kay Mayor Binay.
Tanging si Prof. Tomas Lopez ang nakaligtas sa mga ipinaaresto matapos na lumiham ito sa komite at nangako na dadalo na sa pagdinig sa Pebrero 2.
Sa paglilinaw ni Sen. Antonio Trillanes IV, sinabi naman ni Blue Ribbon Sub-committee Chairman Sen. Aquilino Pimentel III na sakaling hindi dumalo si Lopez sa susunod na pagdinig ay ipaaaresto na rin nila ito.
Si Lopez ang presidente ng University of Makati (UMAK), na iniimbestigahan din ng lupon dahil sa umano’y overpricing ng gusali, at board member ng Pag-IBIG Fund.
Kabilang din sa mga ipinadarakip sina Eduviges “Ebeng” Baloloy, Marjorie de Veyra, Atty. Eleno Mendoza, Engineer Line dela Peña, at Bernadette Portallano.
Nauna nang sinabi ng kampo ni Mayor Binay na igagalang nila ang anumang pasya ng Senado hinggil sa patuloy niyang pagtanggi na dumalo sa mga pagdinig.