MAGHAHALALAN na naman sana ang Sangguniang Kabataan (SK) kung hindi ipinagpaliban ng ating mga mambabatas. May panukalang batas na nakabimbin daw na kailangang maipasa muna dahil naglalayon ito na malunasan ang hindi magandang naranasan ng bayan sa SK. Hindi mo malalapatan ng lunas ang kasamaang sumira na sa SK, anumang pagbabago ang gawin dito. Kung mahal natin ang kabataan, na siyang inihabalin ni Pope Francis na dapat nating gawin sa kanila, gibain na ang SK.

Hindi naman eleksyon ng kabataan ang nangyayari kundi eleksyon ng matatanda. Ginagawa lang nilang robot ang kabataan sa kanilang pamamaraan. Hindi bale sana kung matino, malinis at parehas ang eleksiyong itinuturo nila sa kabataan. Ang problema, ang masamang aspeto ng pulitika natin ang ipinagagawa nila, pandaraya, panlalamang at paninirang puri. Malalaswa pa nga gaya nang dadalhin nila ang kabataan sa bahay-aliwan. Paraan ito ng pamimili ng boto, bukod sa lantarang pagbibigay ng pera. Kaya, ang natalo ay hindi matanggap ang kanilang pagkatalo. Kapag ang naglaban ay magkamaganak, mahahati na ang kanilang angkan at panahon na lang ang magpapahilom ng napakalalim na sugat na iniwan ng SK election.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kaya tulad ng ibang mga eleksiyon na pinaiimbabawan ng mga trapo o tradisyonal politicians, ang ibinubunga ng mga nahahalal na kabataan ay hindi iyong pinapangarap na mangyari ng batas sa kanila. Ang layunin ng batas ay ihanda sila sa responsibilidad bilang mga lider at pangkaraniwang mamamayan sa ikatitino ng ating pamayanan. Paano mangyayari ito sa ating kabataan, eh mandaya at manlamang ang kanilang natututuhan dahil ang mga ito ang itinuturo at ipinagagawa sa kanila ng mga nakatatanda para magwagi sa halalan.

Ang batas ay may inilaan na pondo para matanganan ng mga opisyal ng SK at magastos sa pagganap nila ng tungkulin. Bukod sa hindi maganda ito dahil ikinakalat natin ang salaping dapat ay handang magamit sa pangunahing pangangailangan ng bayan, sa iba napupunta. Dahil kaakibat ng itinuro sa kanilang masamang pamamaraan ng pagkuha ng boto ay ang masamang paraan kung paano nila gagastusin ang perang na sa kanilang kapangyarihan. Pangunahin na nga dito ay ang paggamit ng salapi para mabawi ang nagastos nila sa kanilang kandidatura. May eskwelahan, simbahan at komunidad na pwedeng maghanda sa kabataan para maging responsableng mamamayan at lider. Hindi sila nawawalan ng ehemplo tulad ni Kristel Padasas.