Dumating sa bansa ang tatlo-kataong FIBA Evaluation Commission team na magsasagawa ng inspeksiyon sa mga venue at magdedesisyon sa kapasidad ng bansa na makapag-host ng 2019 FIBA Basketball World Cup.
Magkahiwalay na lumapag ng Pilipinas mula sa kanilang flights ang tatlong miyembro ng FIBA Evaluation Commission, ayon kay SBP Executive Director Sonny Barrios, na sina sports director Lubo Kotleba, director general for media and marketing Frank Leenders at events director Predrag Bogosavljev.
Darating din si Patrick Bauman ang secretary-general ng FIBA sa Huwebes para kausapin ang tatlo hinggil sa kanilang evaluation at posibleng magsagawa pa sila ng courtesy call kay President Benigno Aquino III.
Naging punong-abala na sa nakaraang 2013 FIBA Asia Championship at muling magiging host ng 2015 SEABA Under 16 tournament, ang qualifier para sa FIBA Asia U16 Championship, nag-bid ang bansa para mapasakamay ang FIBA World Championship kung saan ay makakatunggali nila ang China, Turkey, Qatar, at pinagsamang grupo na mula sa Germany at France.
Ang FIBA Evaluation Commission ay magsasagawa ng inspeksiyon sa may 55,000-sitting capacity na Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan at Smart Araneta Coliseum ngayong umaga.
Posible din silang bumisita sa EDSA Shangri-La at Sofitel na potensiyal na gawing event hotels bago bumisita sa Mall of Asia Arena, ang pinagdausan ng FIBA Asia Championship kung saan ay makakaranas sila ng Filipino fan reaction sa laro para sa pagbubukas ng PBA Commissioner’s Cup sa tapatan ng Barangay Ginebra San Miguel at Meralco.
Magtutungo din ang grupo sa Cebu bukas na sakay ng private jet ni SBP president at Smart/PLDT chairman Manny V. Pangilinan para naman sa inspeksiyon ng itatayong sports facility ng SM Group doon.
Matapos ang panaghalian, babalik sila sa Manila upang saksihan ang gagawin namang presentasyon sa Solaire Hotel bago ang kanilang private dinner kasama ng top SBP executives sa pangunguna ni Pangilinan.
Mayroon ding dinner na magaganap at inihanda ni Foreign Affairs Secretary Alberto del Rosario para kay Baumann sa Huwebes.
Huling idinaos sa bansa ang FIBA World Championship noong 1978, kung saan ay ginanap ang mga laro sa Araneta Coliseum at Rizal Memorial Coliseum na dito ay nagkampeon ang koponan ng Yugoslavia, sa pamumuno ni Drazen Dalipagic, kontra sa dating Soviet Union via overtime sa finals, 82-81.
Ang lahat ng final bids ay isusumite sa Abril 30 sa FIBA Central Board na siyang bubusisi at mag-aaral sa lahat ng mga proposal bago desisyunan ang pagpili sa mananalong bid sa kanilang pulong sa Hunyo.