Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang paghahain ng kasong graft laban kay dating Iloilo Congresswoman Judy Syjuco at ilang opisyal ng Department of Transportation and Communication (DoTC) kaugnay ng umano’y “ghost purchase” ng P6.2-milyon halaga ng cell phone noong 2004.
Sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na inirekomenda ng mga imbestigador ang paghahain ng kaso laban kay Syjuco at sa kanyang mga kasamahan matapos makakalap ng sapat na ebidensiya na sangkot ang mga ito sa anomalya sa pagbili ng 1,582 unit ng Nokia cell phone.
Kabilang sa mga kakasuhan sina DoTC Bids and Awards Committee (BAC) Chairman Domingo Reyes Jr.; BAC Vice-Chairman Elmer Soneja; mga director
ng BAC na sina Rebecca Cacatian at Ildefonso Patdu Jr.; mga legal officer na sina Geronimo Quintos at Director Venancio Santidad; Marcelo Desiderio Jr., DoTC inspector; Danilo Dela Rosa, technical inspector; at isang private respondent na si Domingo Samuel Jonathan Ng, may-ari ng West Island Beverages Distributor (West Island).
Sinabi ni Morales na nagpalabas si Syjuco ng pondo ng gobyerno upang mabayaran si Ng bagamat walang nangyaring bidding.
Bigo rin, aniya, ang West Island na magpakita ng certificate of exclusivity. Bukod dito, hindi rin ito awtorisadong supplier ng cell phone dahil ito ay distributor lamang ng Smart Value Credits.
Ayon kay Morales, wala ring natanggap na cell phone ang lokal na pamahalaan ng Iloilo dahil wala ni isang unit ang nai-deliver ng West Island.
Umamin din si Ng na natanggap niya ang P5.9 milyon bilang kabayaran habang nakasaad sa disbursement voucher na ang mga cell phone ay gagamitin ng tanggapan ni Syjuco.