MINDANAO_PNP_01_260115-Banner-photo-copy-409x500

Ipinaabot ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang kanyang taimtim na pakikiramay sa kaanak ng mga tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na nasawi sa sagupaan noong Linggo sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.

Umabot na sa 49 na miyembro ng PNP-SAF, kabilang ang pitong opisyal, ang namatay sa pakikipagbakbakan sa mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) bunga ng umano’y pagtatangkang ihain ang warrant of arrest laban kay Zulkifi bin Hir, alyas “Marwan”, na isang Malaysian bomb expert, at kasamahan nitong si Basit Usman, na may patong sa ulo na US$5 million at US$1 million.

Sinabi ni Chief Supt. Getulio Pacua Napenas, director ng PNP-SAF, na bandang 11:00 ng umaga ay umabot na sa 21 bangkay ang narerekober habang patuloy pang pinaghahanap ang iba pang bangkay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa ulat, karamihan sa mga napatay na pulis ay hindi lang pinagtataga kundi pinugutan pa.

Apat naman sa panig ng MILF ang nasawi sa bakbakan.

Samantala, mariing nanindigan ang pamunuan ng PNP na wala silang nilabag sa isinagawang operasyon ng PNP-SAF.

Ito ang tugon ng PNP sa alegasyon ni MILF Peace Panel Chairman Mohager Iqbal, na nagsabing paglabag sa ceasefire agreement ang ginawang pagsalakay ng mga pulis sa sinasabing kuta ng mga rebelde sa Barangay Pidsandawan.

Giit ni Napenas, batid nilang may umiiral na peace talks ang gobyerno sa MILF kaya nakipag-coordinate sila sa grupo bago ilunsad ang nasabing operasyon.

Dakong 3:00 ng umaga nitong Linggo nang sumalakay ang may 100 miyembro ng PNP-SAF, na binunot sa mga police unit mula sa Manila, CARAGA at Zamboanga bilang reinforcement sa operasyon sa Mamasapano.

Dakong 5:00 na ng hapon nang matapos ang bakbakan na sinasabing apat sa mga nasawing pulis ay mga opisyal at isa rito ay si Senior Insp. Garry Erana, 28, na itinuturing na “baron” ng Philippine National Police Academy (PNPA) Class 2009 Baron.